Tatatakang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na lumilikha sa bagong rehiyon ng Bangsamoro “anytime soon” para mapabilis ang pagpasa nito sa Kongreso, inihayag ng Malacañang kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang urgent certificationng Pangulo sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay bahagi ng napagkasunduan sa pagpupulong kasama ang mga lider Kongreso sa Palasyo.

“The President promised to certify it (as urgent),” ani Roque sa press briefing sa Palasyo.

“I cannot absolutely guarantee that the version of the House will be certified because I haven’t seen the text but if it is in conformity with what was agreed upon, then there should be no problem the President should certified it,” dugtong niya.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nauna nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hihilingin niya sa Pangulo na sertipikahang urgent ang panukalang BBL, para maipasa nila ito sa pangalawa, pangatlo at pinal na pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Target ng Mababang Kapulungan na maaprubahan ang bill bago isara ng Kongreso ang second regular session sine die nito sa Hunyo 1.

Sinabi ni Duterte na nangako sa kanya ang Kongreso na ipapasa ang BBL sa Mayo 30.

-Genalyn D. Kabiling