Ni Bert de Guzman

MAY nag-text sa akin ng ganito: “Dahil bigo si Pangulong Duterte sa pangako niyang sasakay sa jet ski para magpunta sa West Philippine Sea (WPS) at magtanim ng bandilang Pilipino roon para sabihin sa China “na amin ang mga reef dito,” si Chinese Pres. Xi Jinping na lang daw ang magje-jet ski patungong Pilipinas upang gawin tayong probinsiya ng China.”

Bumilib ang mga botante sa matapang na pahayag na ito ni Mayor Duterte, noon ay kandidato sa pagka-pangulo. Bumilib din ang madlang Pinoy sa pangakong lilipulin ang illegal drugs at itutumba ang mga drug lord, dealer, pusher at user.

Palakpakan.

Bababa raw siya sa puwesto kapag hindi niya nasawata ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Ibibigay niya ang poder sa sino mang vice president na mananalo. Naniniwala ang mga mamamayan at binigyan siya ng 16.6 milyong boto. Pero, hindi siya bumaba.

Hanggang ngayon ay sang-ayon ang malaking bilang ng mga Pilipino sa giyera niya sa bawal na gamot. Ako mismo ay kumporme sa kampanyang ito, pero sa kondisyong walang EJK at HRV. Pero, sabi ng PNP, nanlalaban daw kasi. Well, ilan na ba ang napatay na ordinaryong drug pushers at users, at ilan naman ang naitumbang drug lords, smugglers, suppliers?

Sa ngayon daw, sa halip na magtanin ng PH flag sa Panatag Shoal at ilang reefs sa WPS ang ating Pangulo, hindi siya kumikibo sa pag-okupa ng China at militarisasyon nito sa ating mga reef. Ni ayaw magprotesta ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano. Ayaw din ni PRRD na sabihan si Xi Jinping na “ano ba itong ginagawa ninyong ito sa aming teritoryo.” Baka raw magalit at giyerahin tayo. Eh hindi naman tayo makikipaggiyera, ipaaalam lang natin kay Pres. Xi na atin ito.

Talagang mapanuri at mapagtanong ang mga Pilipino ngayon. Tinatanong nila kung bakit sa Benham Rise (ngayon ay PH Rise) nagpunta si Mano Digong noong Martes sa halip na sa WPS para ipaalam sa China na may sovereign rights tayo roon batay sa desisyon ng arbitral court sa Netherlands.

Dapat daw ay sa WPS siya “namamasyal” para lumakas ang loob ng ating mga sundalo roon. Wala naman daw umaangkin sa PH Rise kung kaya higit na angkop na sa WPS siya magtungo at ipamalas na siya ay tunay na isang “Strongman” tulad nina Vladimir Putin, Recep Erdogan at Viktor Orban.

Sabi nga ni Prof. Jay Batungbacal ng UP, eksperto sa maritime affairs, ang pagpunta raw ni PRRD sa PH Rise ay maitutulad sa pagkakaroon ng isang intruder sa iyong bahay. Nasa harap ng pinto ang intruder, pero sa likurang pinto ka pupunta na wala namang enemy doon.

Kapuri-puri ang ginagawang pagsibak ng ating Pangulo sa umano’y ilang tiwaling kasapi ng gabinete. Noong Martes, sinibak niya ang dalawang Assistant Secretary ng Department of Justice (DoJ) at Department or Public Works and Highways (DPWH). Sila ay sina Moslemen Macarambon ng DoJ at Tingagun Umpa ng DPWH.

Sa bahagyang alingasngas ng katiwalian sa mga departamento, sisibakin niya ang mga hepe. Ginawa na niya ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Immigration , DoJ at Bureau of Customs (BoC). Pero kwidaw kayo, tinanggal nga si Nicanor FAeldon pero inilipat lang sa Office of Civil Defense. May alingasngas din sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pero naroroon pa ang hepe nito. Ano ang masasabi mo Sandra Cam?