Iginiit ni Senador Bam Aquino na huwag munang ipatupad ang ilang probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na aniya ay lubhang nagpapahirap sa mga Pilipino.

Tinukoy ni Aquino ang halos linggu-linggong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa ilalim ng tax reform program ng pamahalaan.

“Para sa mga driver, operator at pasahero, ipipreno na ang TRAIN para mapagaan naman ang kanilang sitwasyon,” ani Aquino.

Aniya, kailangang ibalik ang mekanismo para masuspinde ang excise tax dahil sa inflation, upang mabawasan na ang pasanin ng mga driver, operator, at mananakay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ang ipinahayag ni Aquino kasunod ng petisyon ng ilang jeepney operators na humihiling na itaas ang pasahe sa jeep at posibleng surge pricing tuwing rush hour dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Nauna nang inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 1798, na layong ihinto ang pagpapatupad ng TRAIN Law kapag lumampas ang inflation rate sa “target range.”

Nakasaad dito na ititigil ang pangongolekta ng excise tax sa gasolina kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

“Bigyan naman natin ng kaunting ginhawa ang ating mga kababayan sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang mga bilihin,” ani Aquino.

-Leonel Abasola