SA Hulyo 26, magreretiro na si Ombudsman Conchita Carpio Morales. Kaya bukas na ang Judicial Bar Council (JBC) para tumanggap ng mga nominasyon at aplikante para sa posisyong iiwanang bakante ni Morales. Naiulat na si Labor Secretary Silvestre Bello III ay umapela kay Pangulong Duterte na siya ang hirangin sa mababakanteng posisyon. “Tutulungan kita sa krusada mo laban sa kurapsyon,” wika daw ni Bello sa Pangulo. Gawin mo ako, aniya, na Ombudsman.
Bukod kay Bello, tinanggap ni Supreme Court Associate Justice Samuel Mautirez ang nominasyon. Siya ang unang hinirang ng Pangulo sa SC. Napabalita na si Sandiganbayan Associate Justice Efren dela Cruz, Special Prosecutor Edilberto Sandoval, hukom Rowena Apao-Adlawan at Carlos Espero ay nag-apply din para sa nasabing pwesto.
Pero, bago o pagkatapos ilabas ng SC ang kanyang desisyon sa quo warranto petition laban kay Chief Justice Lourdes Sereno, naiulat na naunang hiniling ni AJ Brion kay Pangulong Digong na hirangin nito si AJ Teresita de Castro. Sina de Castro at Brion ay tumestigo sa House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint na isinampa ni Atty. Larry Gadon laban kay CJ Sereno. Bukod sa kanila, apat pang kasamang mahistrado ni de Castro ang dumalo sa pagdinig ng komite. Iyong trabaho ni Gadon na maghain ng ebidensiya para patunayan ang reklamo niya laban kay Sereno ay inako ng mga mahistradong ito. Sila ang gumanap ng tungkulin ni Gadon. Ang mga mahistradong ito, kasama si de Castro, ang siyang bumoto pabor sa quo warranto na nagpapatalsik kay CJ dahil kulang ang isinumite niyang Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) sa JBC, nang ipasok ang kanyang pangalan bilang kandidato sa pagka-chief justice.
Ayon sa balita, tinanggihan ni AJ de Castro ang nominasyon niya bilang Ombudsman. Ano ang inaasahan pang gagawin niya? Isinasaad ng Saligang Batas na ang Ombudsman, tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Mahistrado ng Korte Suprema, Comelec chairman at ilang iba pa ay pwedeng masibak sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment. Sabi nga ni Senior AJ Antonio Carpio, ayon sa prosesong ito, ang Kamara ang mag-iimpeach, ang Senado ang hahatol. Hindi ganito ang naganap kay Sereno. Ang short-cut na ruta ang tinahak ng Korte Suprema. Sa botong 8-6, kinatigan ng mayorya sa Korte, kasama rito si de Castro, ang pagpapatalsik kay CJ Sereno sa pamamagitan ng quo warranto. Tinanggihan ni de Castro ang kanyang nominasyon sa Ombudsman dahil natakot siya sa kanyang sariling multo.
Paano kasi, tulad ni Sereno, noong magkasabay silang kumandidato sa pagkapunong mahistrado, hindi rin kumpleto ang SALN na isinumite niya sa JBC. Kaya, anumang oras ay maaari siyang sampahan ng quo warranto kapag umupo siyang Ombudsman. Hinatulan ni de Castro si Sereno sa pagkakasalang siya rin pala ay maysala.
-Ric Valmonte