Inaksiyunan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga reklamong natanggap kaugnay ng mga sagabal at ilegal na istruktura sa kalsada sa isang barangay sa Maynila.

Sa pangunguna ni MMDA Chairman Danilo Lim, ininspeksiyon nito ng mga tauhan ng Sidewalk Clearing Operations Group at ng Task Force Special Operations ang Dinalupihan Street at Mabuhay Lane ng Barangay 206, Zone 19, District II sa Tondo, Maynila.

Agad hinatak ang 26 na sasakyang ilegal na nakaparada sa kalsada; 44 na motorista ang tiniketan dahil walang lisensiya at helmet; habang binaklas ang mga tolda at mga tindahan sa bangketa, bandang 7:00 ng umaga.

Ayon kay MMDA Operations Division Chief Edison Bong Nebrija, dadalhin sa impounding area ng MMDA sa Tumana, Marikina ang mga hinatak na sasakyan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon pa kay Nebrija, tuluy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa traffic obstructions sa mga kalsada patungong Divisoria.

“Marami kaming natatanggap na reklamo sa lugar na ito patungkol sa mga obstruction sa daan kaya dapat itong maaksiyunan para lumuwag ang kalsada at mabigyan ng ligtas na lakaran ang mga pedestrian,” ani Lim.

Pitong araw ang ibinigay na palugit ni Lim para sa papaalis at bagong halal na kapitan ng naturang barangay upang gibain ang mga istruktura, kabilang ang barangay hall, na nasa bangketa.

Nangako naman sina Ederlinda Mercado at Romeo Marcellano, ang papaalis at bagong halal na kapitan, na makikipagtulungan sa MMDA para malinis ang kanilang lugar.

“Gigibain namin sa loob ng pitong araw ang lahat ng ilegal na istruktura sa aming lugar,” pangako ng dalawang opisyal.

Ayon sa MMDA chief, muling bibisitahin ng MMDA ang lugar makalipas ang isang linggo upang matiyak na tinupad ng dalawa ang kanilang pangako.

Kaugnay nito, hinimok ni Lim ang mga bagong halal na opisyal ng barangay na gamitin ang kanilang kapangyarihan at makipagtulungan sa gobyerno para maiwasan ang mas malaking problema sa trapiko sa hinaharap.

-Bella Gamotea