Ni Bert De Guzman
MATINDI ang init ngayong tag-araw, nakapapaso at nakapanlalata. Ang sikat ng araw ay nanlilisik. Mabuti na lang at ang Meralco ay may magandang balita sa milyun-milyong consumers nito ngayong Mayo: “Singil sa kuryente, bababa.”
Sa isang round table media discussion, kinumpirma ni Joe Zaldarriaga, Meralco spokesman, ang bawas-singil ngayong buwan na kahit papaano ay makatitighaw sa tindi ng init at hirap na nararamdaman ng mga consumer ngayong tag-araw.
Ipinaliwanag ni Joe, na isa ring dating mamamahayag noong kabataan niya (anyway, bata pa naman siya), na ang pagbawas ng P0.5436 per kWh sa isang household ay nangangahulugan ng overall rate na P10.004, katumbas ng P109 sa monthly bill ng consumer na nakakokonsumo ng 200 kWh. Bunsod ng mas mababang singil o charge ng Wholesale Electricity Sport Market (WESM) mula sa generation charge na P5.4735 per kWh noong Abril, ang generation charge ngayong Mayo ay naging P5.0523/kWh.
Pahayag ni Joe: “May epekto rin ang singil sa kuryente (bunsod ng mataas na inflation rate at ng TRAIN) pati na ang mababang halaga ng piso sa merkado. Mabuti na lang ang mabuting balita ang inihatid ng Meralco ukol sa presyo ng kuryente ngayong buwan. Bumaba ang presyo ng kuryente sa WESM dahil sa mga plantang nagbalik-operasyon matapos mag-maintenance shutdown, kaya kahit panahon ng tag-init, at kahit nagtataasan ang mga presyo ng pangunahing produkto at serbisyo, kontra agos ang presyo ng singil sa kuryente ng Meralco ngayong Mayo, na bumaba ng P0.54 kada kWh.”
Bilang dagdag, binanggit pa ni Joe ang ilang tips para makatipid sa konsumo ang consumers ngayong ang sidhi ng init ay nais mong maligo oras-oras o nakatutok ka sa bentilador minu-minuto: 1. Pag-unplug sa pagkakasaksak ng appliances kapag ‘di ginagamit; 2. Itakda ang air-con sa 25 degrees Celsius; 3. Gumamit ng power board o strip na maaaring makapag-supply ng kuryente sa ilang appliances; 4. Hayaang pumasok ang likas na liwanag (natural light) kung daytime.
Lagi na ang Meralco ay nasa gitna ng kontrobersiya: Mataas sumingil, mabilis pumutol ng kuryente, malaki ang tubo. Pero ngayong Mayo na saksakan ng init (dalasan natin ang paliligo), aba nagbaba kahit papaano ng singil.
Well, bumubuti ang relasyon ng Kuwait at Pilipinas. Nilagdaan na ang Memorandum of Understanding na magbibigay-ginhawa at kaligtasan sa libu-libo nating OFWs sa nasabing bansa. Kabilang dito ang sapat na oras ng trabaho, isang araw na pahinga kada linggo, pagkain, pagkakaroon ng cell phone, at paglalagak ng pasaporte sa PH Embassy sa halip na kumpiskahin ng kanilang mga amo.
Sinampahan ng kasong kriminal si Solicitor General Jose Calida. Siya ang naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court upang matanggal sa puwesto si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Inakusahan siya ng paglabag sa Constitution dahil sa quo warranto petition dahil tanging sa pamamagitan lang ng impeachment maaaring matanggal ang pinakamatataas an opisyal ng pamahalaan. Sinampahan din siya ng kaso dahil umano sa extramarital affair sa isa niyang kawani.
Tandaan natin ang leksiyon sa kaso ni dating DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II. Ginamit siya sa pag-uusig kay Sen. Leila de Lima. Nakulong si de Lima. Bandang huli, sinibak ni PRRD si Aguirre kahit malaki ang naitulong nito sa pagpapakulong kay Delilah, este de Lima.
Si Calida ngayon ay ginamit din sa pagpapatalsik kay Sereno. Maging kapalaran din kaya niya balang araw ang naging kapalaran ni Aguirre?