Ni Gilbert Espeña
MULA sa pagiging amateur standout hanggang Olympics, ngayon isa nang ganap na contender para sa International Boxing Federation (IBF) si Mark Anthony Barriga.
Nakamit ng SEA Games champion ang No.1 rank bilang mandatory contender sa IBF mini flyweight title nang umiskor ng 12-round unanimous decision laban sa bateranong si Colombian Gabriel Mendoza nitong Linggo sa SM North Skydome sa Quezon City.
Nagpamalas si Barriga ng husay, bilis at lakas ng kamao sa loob ng 12 rounds at walang nagawa si Mendoza para mabawi ang 24-anyos na Pinoy fighter.
Nagwagi si Barriga sa mga iskor na 120-108, 120-108 at 119-109 sa lahat ng mga hurado kaya siya ang hahamon sa magwawagi kina Japanese IBF minimumweight champion Hiroto Kyoguchi na magdedepensa kay Vince Paras ng Pilipinas sa Mayo 20 sa Ota-City General Stadium sa Tokyo, Japan.
Sa co-main event ng Instinct card, nanalo si two-time world title challenger AJ “Bazooka” Banal laban kay Indonesian journeyman Master Suro sa 10-rounds na sagupaan sa lightweight division.
Pinatulog naman ni world-ranked featherweight Genesis Servania si Indonesian Jason Butar Butar sa pamamagitan ng atake sa bodega at itinigil ang laban nang dalawang beses bumagsak ang beteranong si Butar Butar.
Nagwagi rin sa puntos si dating WBO 115 pounds champion Marvin “Marvelous” Sonsona laban kay Indonesian journeyman Arief Blader sa loob ng anim na rounds.