Nina LESLIE ANN G. AQUINO at MARY ANN SANTIAGO
Matapos ang dalawang beses na pagpapaliban, idaraos na ngayong Lunes ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections at milyun-milyon ang inaasahang dadagsa sa mga polling precinct simula 7:00 ng umaga upang bumoto.
Pupunan ngayong Lunes ang 671,168 posisyong pambarangay. Para sa barangay elections, boboto ng 41,948 chairman at 293,636 na kagawad. Para naman sa SK, 41,948 ang ibobotong chairman, at 293,636 ang kagawad.
BOTO KA
Maghahalal ang botante ng isang barangay chairman at pitong kagawad, habang ang mga boboto para sa SK ay maghahalal din ng isang chairman at pitong kagawad.
Mahalaga ring tandaan na magkaiba ang balota ng halalang pambarangay at SK: pula ang imprenta ng balota ng SK, habang itim naman ang imprenta ng para sa barangay polls.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), may kabuuang 78,002,561 ang rehistradong botante, at bukod sa action desks ng poll body para sa tanong o reklamo ng publiko, at mga health desk para sa anumang medical emergency, magkakaroon din ng accessible polling places para sa mga may kapansanan at senior citizen.
BAWAL MANGAMPANYA, VOTE BUYING
Muli ring ipinaalala ni Comelec Spokesman James Jimenez sa mga kandidato at sa publiko ang mga mahigpit na ipinagbabawal ngayong eleksiyon: ang pangangampanya, pamamahagi ng mga sample ballot, anumang paraan ng pamimili ng boto, at pag-aalok, pagbili, pag-inom ng alak alinsunod sa umiiral na liquor ban.
Kasabay ng paalalang magdala ng sariling kodigo ng mga iboboto, pinayuhan naman ni Manila Mayor Joseph Estrada ang publiko na maagang magtungo sa mga polling precinct upang makaiwas sa mahabang pila, at pag-isipang mabuti kung sino ang ipupuwesto para pamunuan ang kanilang barangay.
PROKLAMASYON AGAD
Samantala, hindi na kailangang maghintay nang matagal ng mga kandidato dahil ngayong Lunes din ay ipoproklama kaagad ang mga nagwagi sa eleksiyon.
“We expect counting to be completed for the majority of barangays within the day because these are just small numbers (of votes),” ani Jimenez. “It is really the big barangays that are challenging as it can sometimes take all the way to the wee hours of the next morning.”
COIN TOSS SA TABLA
Mano-manong bibilangin ang mga boto matapos na isara ang botohan bandang 3:00 ng hapon. Babasahin ng Board of Election Tellers ang bawat boto sa balota, na itatala naman ng isa pang election officer.
Sakaling namang maging tabla ang bilang ng boto, sinabi ni Jimenez na pipiliin ang kandidato sa pamamagitan ng draw lots o coin toss.
“Proclamations that result from a coin toss may be contested like a regular proclamation,” paglilinaw ni Jimenez.