Ni Tara Yap
Pinoproseso na ng kanyang pamilya ang pagpapauwi sa mga labi ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pinaslang at isinilid sa septic tank sa South Korea, pabalik sa kanilang bayan sa Cabatuan, Iloilo.
Kinumpirma ng Western Visayas regional consular office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Balita na naghain na ang pamilya ni Angelo Claveria ng mga kaukulang papeles para mapauwi sa bansa ang mga labi nito.
Sinabi ni Anita Saldo, acting chief ng DFA regional consular office sa Iloilo City, na ang documents for acceptance of remains na nilagdaan ng pamilya Claveria ay nai-forward na sa DFA Central Office sa Manila, at ipapadadala naman sa Philippine Embassy sa Seoul.
Natagpuan ng South Korean authorities ang mga buto ng 34-anyos na Ilonggo nitong nakaraang buwan sa septic tank ng isang water purifier plant sa Hwaseong City, Gyeonggi province. Kinumpirma ito ng DNA test.
Umalis si Claveria patungong South Korea noong 2014 para magtrabaho bilang metal cutter. Huli siyang nakausap ng kanyang pamilya noong Disyembre 2015.
Ayon kay Saldo, noong una ay hindi nagsuspetsa ang pamilya dahil mayroon pang nakikipagkomunikasyon sa kanila.
Pangunahing suspek sa pagpatay kay Claveria ang isa pang OFW, na nakauwi na sa bansa.