Ni NORA CALDERON
TINOTOO ng ‘Sunflowers,’ tawag sa fans ni Kyline Alcantara ang promise na susuportahan nila ang anumang project na gagawin ng kanilang hinahangaang teen star.
Nitong nakaraang Sabado, Mayo 5, nag-number one sa trending sa social media ang life story ni Kyline na featured episode sa Magpakailanman ni Mel Tiangco.
Kahit bagong exclusive contract artist pa lamang ng GMA Network, may more than one million followers na siya sa Instagram (@itskylinealcantara) at almost 300K followers naman sa Twitter (@Kylinealcantara). Walang duda na tumutok ang mga fans niya sa panonood. Ayon sa posts ng Sunflowers, nakiluha sila sa pag-iyak ni Kyline na siya ring gumanap sa kanyang life story.
Marami ang nagsabi na hindi nila alam na ganoon pala kalungkot ang buhay ni Kyline na walang hinangad kundi makapasok sa showbiz at matulungan ang kanyang pamilya.
Bata pa lamang kasi nang magkahiwalay ang parents ni Kyline (ginampanan nina Tina Paner at Jay Manalo). Kaya naging kontesera si Kyline, dumadayo siya kung saan-saan sa Bicol para makapag-audition at sumali sa mga amateur singing contests. Pero kadalasan naman ay talo siya.
Hindi siya pinanghinaan ng loob, dahil desidido siyang makatulong sa nanay niya at dalawang kapatid na lalaki na parehong kinuha ng mga lolo at lola ng both sides, kaya siya lang ang naiwan sa kanyang ina na matiyagang sumama-sama sa kanya sa auditions.
Until dumating ang panahon na kailangan nilang lumuwas ng Manila para makipaggitgitan sa auditions. Para makarating ng Manila from Ocampo, Camarines Sur, nakisakay sila sa truck ng gulay na magdi-deliver sa Manila.
Hindi naging madali ang lahat kay Kyline at sa mama niya tuwing pupunta sila sa auditions dahil wala silang panggastos. Madalas ang rejection sa auditions at palaging sinasabihan na wala siyang buhay umarte, walang dating, at hindi siya maganda. Tinanggap iyon lahat ni Kyline, pero hindi pa rin siya nawalan ng loob dahil ang suporta ng ina ang nagpapalakas sa kanya.
Ang hindi niya malilimutan ay nang mag-audition siya para sa pinag-uusapan ngayong Kambal Karibal na ilang beses nang na-extend dahil sa magandang istorya na hindi mabitiwan ng viewers.
“Dapat po ay ako ang gaganap na young Jean Garcia, pero nang ipatawag po nila ulit ako, ipinaulit ang audition ko at ako na ang gumanap sa role ni Cheska, ang adoptive daughter nina Tita Carmina (Villarroel) at Tito Marvin (Agustin) at iyon pa rin ang ginagampanan ko ngayon plus ang character ni Crisan (Bianca Umali) na pumasok ang kaluluwa sa katawan ko,” dagdag pa ni Kyline.
Napanood din sa Magpakailanman story ni Kyline ang pagkakabalikan ng kanyang parents na nagkahiwalay noong ten years old siya at ito ang lalong nagpalakas ng kanyang loob at lalong pinaghusay ang pagganap sa lahat ng roles na ibinibigay sa kanya. Nadagdagan ang kanyang inspirasyon dahil mahal na mahal din niya ang kanyang ama.
Nagbubunga ang mga pagsisikap na ito ni Kyline. Ngayon, kahit saan magkaroon ng mall show ang Kambal Karibal, dinig na dinig sa tilian ng fans nila nina Bianca, Miguel Tanfelix, at ni Jeric Gonzales na mukhang siyang ila-love team sa kanya ng GMA.
Fifteen years old pa lamang si Kyline ngayon, kaya tiyak na marami pa siyang tagumpay na makakamit dahil sa mahusay niyang pag-arte at pagkanta.