SENTRO ng atensiyon kamakailan ang Pilipinas sa larangan ng siyensiya sa buong mundo nang ianunsiyo ng paleonthologists mula sa France National Museum of Natural History ang pagkakadiskubre sa ebidensiya na tinatayang noong nakalipas na 700,000 taon, nanirahan ang mga unang tao sa Kalinga, sa Cordillera ng Luzon.

Una rito, ang pinakalumang ebidensiya ng buhay ng tao sa Pilipinas ay ang buto ng paa ng tao na natagpuan sa bulubundukin ng Sierra Madre, na sinasabing 67,000 taon gulang. Ngayon, ayon kay Thomas Ingicco, ang pangunahing sumulat ng pag-aaral sa France, natagpuan sa Kalinga ang buto ng rhinoceros, na may mga bakas ng paghiwa mula sa isang kasangkapan na ginamit ng tao upang tanggalin ang karne, kuhanin ang marrow nito at gawing pagkain.

Sa mga nakalipas na dekada, inakala ng mga siyentista na ang pinakaunang tao tao sa daigdig ay unang lumitaw sa Africa 150,000 taon na ang nakalilipas, at nagsimulang maglakbay sa iba’t ibang bahagi ng mundo 60,000 taon na ang nakararaan. Gayunman, sa bagong pag-aaral sa Israel, nadiskubre ang buto sa panga ng isang Homo Sapiens na sinasabing 177,000 at 194,000 taon na— dahilan upang tumulak pabalik ng ilang daang libong taon ang ebolusyon ng tao.

Ang bagong nadiskubre sa Cordillera ay kabilang sa mga natuklasan na nagpapakita na ang mga tao ay mas matagal nang naninirahan sa mundo kaysa ating inaakala. At ilan sa mga naunang tao ay nakarating o nanirahan sa Luzon, mula sa labi ng buto ng rhinoceros na may mga marka mula sa isang kasangkapan ng tao. Tinatayang 631,000 at 777,000 taon na ang buto ng rhino, panahong kilala bilang ‘Pleistocene.’

Walang nakitang direktang bakas ng tao na nag-iwan ng marka at kung paano ito nakarating ng Luzon mula sa Asya. Ilan sa pinapalagay ay ang pagkakaroon ng tulay na lupa noon na nagdurugtong sa isla ng Pilipinas sa mainland. Ayon sa mga Pranses na may-akda ng pag-aaral, duda silang gumamit ang mga naunang tao ng sasakyang pandagat upang makarating dito.

Hindi maisasantabi ng ilang pamilyar sa tradisyon ng ating mga ninuno ang ganitong posibilidad. Lalo’t kilala ang mga unang Pilipino na naglalakbay noon gamit ang mga balangay sa mga karagatan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sila ang mga ninuno ng daang libong Pilipinong seaman na nagpapatakbo ng mga barko sa maraming bansa sa mundo ngayon.

Umaasa tayo na mas marami pang matuklasan at pag-aaral sa mga tao at ang lupain ng tinatawag ngayong Pilipinas. Ngayon lang natin nasisimulang malaman kung anong mayroon sa ating mga isla bago pa man dumating ang mga Espanyol at Amerikano. Ngayon, itinutulak natin pabalik ng mas malayo ang sinaunang-panahon kung saan unang dumating ang mga tao at nakikita natin na bahagi tayo ng malaking kasaysayan ng ebolusyon ng tao.