Ni Bert de Guzman
NANAWAGAN ang mga career officer ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-resign si Sec. Alan Peter Cayetano at kanyang appointees na tangay-tangay niya sa DFA dahil umano sa “gross incompetence” o sobrang kawalang-kakayahan (o katangahan?) na nagresulta sa diplomatikong gusot ng Pilipinas at Kuwait.
Bagamat hindi tinukoy ng career officers ang Union of Foreign Service Officers (UNFORS), na samahan ng career diplomats na gumawa ng liham na ipinadala kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nalamang hinihiling nila na sibakin si Cayetano at mga appointee dahil sa kapalpakan sa isyu ng Kuwait.
Sikat na sikat si Cayetano noong panahon na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang umano’y bilyun-bilyong pisong anomalya ni ex-VP Jejomar Binay sa konstruksiyon ng Makati City Parking building. Humanga ang mga tao sa galing niyang magtanong at paglalahad ng mga detalye tungkol sa umano’y kurapsiyon ni Binay.
Gayunman, ang paghanga ng mga tao ay biglang naglaho nang siya’y kumandidato bilang vice president ni Mano Digong noong 2016 elections. Pinulot siya sa kangkungan at hindi nakatulong ang husay niya sa pagtatanong sa Blue Ribbon Committee, o kaya’y nahatak ng popularidad ng Davao City mayor.
Nawalan ng gana ang mga tao sa kanya dahil sa pagiging tameme sa mga ginagawa ni PDu30 hinggil sa mga puna, tulad ng extrajudicial killings (EJKs), human rights violations (HRVs), kaugnay ng paglulunsad ng madugong giyera sa droga na ikinamatay ng libu-libong tulak at adik. Nadamay pa sa drug operations ng mga pulis ang inosenteng mga sibilyan o kamag-anak ng pinaghihinalaan.
Lalo raw nawalan ng gana ang taumbayan sa pagsasawalang-kibo niya sa pag-okupa ng China sa mga reef at shoal na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pinas dahil ang kanyang boss, si PRRD ay hindi rin kumikibo tungkol dito.
Nadismaya ang mga Pinoy tungkol sa desisyon niya sa pagre-rescue ng distressed Filipinos sa Kuwait. Pinatalsik si Ambassador Renato Villa at hinuli pa ang ilang PH embassy personnel pero hanggang ngayon ay walang maliwanag na solusyon dito.
Ganito ang nakasaad sa liham ng DFA career officers sa Pangulo: “The diplomatic row between the Philippines and Kuwait has unmasked the gross incompetence of DFA Sec. Alan Peter Cayetano and his top aides who are now a liability to the Duterte administration.” Aba, Alan Peter magbitiw ka na!
Malimit sabihin ng Pangulo: “Kahit bahagyang kaluskos ng kurapsiyon sa departamento, sisibakin ko kayo (mga puno ng departamento).” Mr. President, hindi lang kaluskos (whiff) ng anomalya ang nakalukob ngayon sa Dept. of Tourism (DoT) na ang hepe ay si Wanda Tulfo-Teo, kapatid ng matatapang na broadcasters, tungkol sa umano’y ads o commercial (P90 milyon) na ipinagkaloob sa programa ng PTV-4 ng mga kapatid ng kalihim.