PAGKATAPOS ng mga sundalo at pulis, makatatanggap din ang mga guro sa pampublikong paaralan ng dagdag na sahod kapag bumuti ang ekonomiya, ito ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ng gabi.

“Remember, when the economy improves, you are next to get a salary increase -- but in increments since there are so many of you. You are five or seven times more than our soldiers,” paliwanag ni Duterte sa mahigit 6,000 elementary school principal sa ginanap na 37th Principals Training and Development Program and National Board Conference sa SMX Convention Center, Davao City.

Umani ng palakpakan ang pahayag ng Pangulo sa mga delegado.

Sinabi ni Duterte na naiintindihan niya ang buhay ng mga guro dahil mismong ang kanyang ina, si Soledad Duterte, ay isa ring public school teacher.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Binanggit niya na dahil sa hirap ng buhay ng isang guro dulot ng mababang sahod, marami sa mga ito ang napipilitang isangla ang kanilang atm card.

Maging ang kanyang ina, aniya, ay nangutang din noon upang maitaguyod ang kanilang pamilya.

Gayunman, ipinaliwanag ng Pangulo na kailangan niyang unahin ang dagdag na sahod para sa mga unipormadong kawani ng pamahalaan dahil sa panganib na kinahaharap ng mga ito sa pagtupad ng kanyang pangako noong kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, at terorismo.

Ngunit ang mga guro ang susunod na makatatanggap ng dagdag sahod, diin ng Pangulo.

Matatandaang noong nakaraang taon ay nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones ang Department Order 55 (2017) o ang “Revised Guidelines on the Implementation of PHP4,000 Net Take Home Pay for Department of Education Personnel”.

Prayoridad ng kautusan ang loan deduction mula sa Government Service Insurance System at ng Home Development Mutual Fund, at sumisiguro na hindi bababa sa P4,000 ang maiuuwing sahod ng mga guro. (PNA)