Dave M. Veridiano, E.E.

ITO na marahil ang katugunan sa mga reklamo na madalas kong natatanggap mula sa mga kababayan natin sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon, na lubhang nahihirapan sa pag-aasikaso ng kanilang mga dokumento, lalo na sa pagkuha ng pasaporte na gagamitin nila sa pangingibang-bayan.

Nakarating sa akin ang magandang balitang ito kahapon -- na dalawang Consular Office(CO) ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang bubuksan sa lalawigan ng Ilocos Norte at Isabela sa darating na magkasunod na Martes ngayong buwan ng Mayo. At ang dagdag na bonus pa rito – anim na araw itong magseserbisyo, mula Lunes hanggang Sabado, sa mga mamamayan sa naturang lalawigan, at maging ng iba pang taga-karatig lugar.

Ang bubuksang DFA-CO sa Ilocos Norte sa Mayo 8 ay matatagpuan sa Robinsons Place sa San Nicolas, samantalang ang sa Isabela naman ay papasinayahan sa Mayo 15 at ito ay nasa Robinsons Place rin sa Santiago. Halos kasunod ito nang kabubukas lang na DFA-CO sa Robinsons Place sa Tacloban City nitong Abril 21.

“DFA is committed to make its passport and other consular services more accessible to our people. The opening of these two consular offices is a firm example of that commitment. The new locations promise more convenient and comfortable passport application, especially for clients within the area and the nearby provinces who will now experience the improvements that we are making in the passport application system,” ang pahayag ni Foreign Affairs secretary Alan Peter S. Cayetano.

Nakatutuwa at kahanga-hanga ang ginagawang magkakasunod na pagpapalawak ng serbisyo-publikong ito ng DFA sa mga malalayong lalawigan sa bansa. Naniniwala akong malaking bagay ito dahil kabi-kabila ang mga reklamong natatanggap ko sa text, email at tawag sa cellphone, mula sa kababayan nating nakatira sa mga lugar na malayo sa Metro Manila, na nagiging biktima ng mga mapagsamantalang FIXER sa pag-aayos ng kanilang pasaporte.

Puspusan ang pagsusulong sa proyektong ito -- na pinondohan din naman mula sa budget na inilaan ng Kongreso sa DFA para sa taong ito -- dahil sa biglang paglobo ng bilang ng mga kababayan nating kumukuha ng pasaporte, simula ng ilabas ng DFA ang passport na “valid for 10 years”.

Ayon kay Asec Frank Cimafranca ng DFA Consular Affairs, tumaas ng halos 20 porsiyento ang nailabas na pasaporte kumpara sa bilang nito noong nakaraang taon. Ito raw ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya pinirmahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Executive Order No. 45 na nagtatakda sa DFA na magdagdag ng mga “consular office” sa iba-ibang lugar sa buong bansa, lalo na doon sa malalayong lalawigan.

Ngunit hindi ito magiging matagumpay kung wala ang tahimik na pagtulong sa DFA ng ilang pribadong sektor na kusang-loob na naglaan – libre ito, walang rentang itinakda kada buwan para bayaran sila ng gobyerno -- ng puwesto sa kanilang mga gusali, upang maging sangay ng DFA–CO sa naturang mga lalawigan. Isang masigabong palakpakan para sa pamunuan ng Robinsons Place sa pagkakawanggawa nilang ito, na isang malaking tulong sa karamihan ng ating mga Overseas Filipino Worker (OFW) – MABUHAY!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]