Ni Beth Camia at Jeffrey Damicog

Magbitiw na kayo sa puwesto!

Ito ang kautusan ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra sa lahat ng kanyang department undersecretary at assistant secretary.

Sa kanyang memorandum na may petsang Abril 24, binanggit ni Guevarra na dapat nang magsumite ang mga nasabing opisyal ng “courtesy resignation” kay Pangulong Duterte, upang malaya niyang maipatupad ang mandato na ibinigay sa kanya ng Presidente.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“All incumbent undersecretaries and assistant secretaries of this Department are hereby directed to tender their unqualified courtesy resignations to the President not later than 30 April, 2018 except career officials as defined by pertinent civil service laws, rules and regulations,” saad sa memo ng kalihim.

Sa ilalim ng courtesy resignation, magpapatuloy pa rin sa kanilang trabaho ang mga opisyal, maliban lamang kung aksiyunan na ito ni Duterte.

Inunahan naman ng tatlong undersecretary at assistant secretary si Guevarra bago pa man ito makapagpalabas ng memorandum, nang magsipagsumite na sila ng mga resignation letter.

Kabilang sa mga nagbitiw na sa puwesto sina Undersecretaries Erickson Balmes, Antonio Kho Jr., at Raymund Mecate.

Matatandaang itinalaga ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang kanyang mga ka-brod sa Lex Talionis na sina Kho Jr., Balmes, Mecate, at Reynante Orce.