ni Bert de Guzman
BUMAGSAK ng 10 puntos ang trust rating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS). Ang net trust rating ni Mano Digong ay sumadsad mula sa “excellent” na +75 noong Disyembre 2017 at naging “very good” na +65 batay sa SWS survey na ginawa noong Marso 23-27, 2018. Samakatwid, bilib pa rin sa kanya ang mga Pinoy.
Bawal na ang “balimbing” sa larangan ng pulitika sa Pilipinas. Ibig sabihin nito, ipagbabawal na ang paglipat ng mga pulitiko sa iba’t ibang partido habang sila ay nasa puwesto. Uso kasi ang lipatan ng lapian kapag ang nanalong presidente ay mula sa isang partido, gaya ng nangyari sa pagkukumahog ng mga senador at kongresista na umanib sa PDP-Laban na partido ni PRRD.
Tinatrabaho ngayon ng Consultative Committee (ConCom) ang isang draft ng bagong Konstitusyon para sa pederalismo, na gusto ni PRRD na maging sistema ng gobyerno na papalit sa presidential form of government.
Samakatwid, bawal na ang balimbing a.k.a “political butterfly” at “hunyango” na palipad-lipad (paruparo) at pagbabago ng kulay (hunyango) para sumama sa partido ng sino mang bagong pangulo.
Namayani na naman sa magkasunod na dalawang taon ang mga nagtapos ng abogasya mula sa mga paaralan o unibersidad sa mga lalawigan batay sa resulta ng Bar Examinations na inilabas ng Supreme Court noong Huwebes.
Nadomina ng law graduates mula sa mga probinsiya ang Top 10 sa pangunguna ni Mark John Simando ng St. La Salle, Bacolod City ang 2017 Bar Exams. Nagtamo siya ng average na 91.05%. Humuhusay na ang pagtuturo sa mga kolehiyo at pamantasan sa mga lalawigan, hindi tulad noon na pawang law graduates sa Metro Manila ang nangunguna.
Totoo kaya na magre-resign si PDU30 kapag hindi pa napagtibay ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa susunod na buwan? Sinabi ni Australian nun Patricia Fox na hindi niya pinagsisisihan ang mga ginawa niyang aktibidad sa Pinas. Ayon kay Fox, ang hakbang ng Bureau of Immigration na kanselahin ang kanyang missionary visa ay hindi laban sa kanya, kundi laban sa Catholic Church at sa foreign missionaries na nagtatrabaho sa Pilipinas.