Ni Kate Louise Javier
Isa umanong carnapper, na nagpanggap na sundalo sa isang rent-a-car scam sa Quezon City, ang inaresto sa San Mateo, Rizal, nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Chief Supt. Joselito Esquivel, Quezon City Police District (QCPD) director, ang suspek na si Marvin Harry Pasion, 38, ng San Mateo, Rizal.
Inaresto si Pasion ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Anti- Carnapping Section of the District Special Operations Unit (ANCAR-DSOU) sa Lamar Village, San Mateo, Rizal, bandang 6:00 ng umaga.
Bago siya maaresto, kinumpirma ng AFP personnel na ang mga nakaw na sasakyan, na kalaunan ay narekober, ay namataan sa lugar.
Sinasabing responsable si Pasion sa dalawang carnapping incident sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City, na kinabibilangan ng isang itim na Toyota Avanza (ABO- 4851) na ninakaw noong Oktubre 17 noong nakaraang taon at isang orange Toyota Vios (ABT-7477) na ninakaw noong Abril 1.
Gamit ang social media account para sa kanyang mga transaksiyon, hiniling ni Pasion na makipagkita sa Camp Aguinaldo.
Sa salaysay ng mga biktima sa awtoridad, pagdating nila sakay sa kanilang sasakyan ay nagpakilala si Pasion bilang sundalo. Kinuha nito ang susi ng sasakyan upang i-test drive ngunit hindi na ito bumalik.
Matapos nito ay nakipag-ugnayan si Pasion sa mga may-ari, at humingi ng pera kapalit ng sasakyan. At dahil hindi kaya ng may-ari na ibigay ang hinihinging pera ng suspek, hindi na naibalik ang sasakyan, ayon sa pulis.
Kakasuhan si Pasion ng carnapping at usurpation of authority.