Ni Fer Taboy

Isang mag-asawang umano’y drug pusher ang nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), habang naaktuhan naman umanong gumagamit ng droga ang tatlong iba pa sa bahay ng mga suspek sa Malangas, Zamboanga Sibugay, nitong Biyernes.

Nasa kustodiya na ng PDEA-Zamboanga Sibugay ang mag-asawang Bonifacio at Wilma Abao, ng Barangay La Dicha, Malangas; gayundin sina Marlon Dulom Abao, Al-Shaida Jundam Balpaki, at John Ryan Tabunon Morcilla.

Nasamsam ng grupo ni Laurefel Gabales, hepe ng PDEA Zamboanga Sibugay, sa mag-asawa ang pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P200,000.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Sinabi ni Gabales na sumailalim sa buy-bust ng PDEA ang mag-asawa habang nadatnan naman umanong bumabatak sa bahay ng mga ito ang tatlo pa.

Hindi pa matukoy ang halaga ng droga na nakumpiska umano sa tatlong suspek, na kakasuhan sa pag-iingat ng droga at drug paraphernalia, alinsunod sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Kinumpirma ni Gabales na matagal na umanong nagbebenta ng droga ang mag-asawa at ginagawa pang drug den ang kanilang bahay.