Ni Celo Lagmay
DAHIL sa pagtiyak ng World Health Organization (WHO) na kailangan muna ang puspusang pagsusuri at pagsubok bago iturok ang Dengvaxia vaccine, lalong umigting ang takot ng sambayanan sa naturang bakuna. Gusto kong maniwala na pati ang lahat ng uri ng mga bakuna ay kinatatakutan na nila, tulad ng anti-measles, anti-pneumonia vaccines at iba pang bakuna.
Hanggang ngayon, hindi napapawi – lalo pa yatang tumitindi – ang palahaw ng mga magulang na ang mga anak ay sinasabing naging biktima ng Dengvaxia vaccine; umaalingawngaw pa sa himpapawid ang kanilang pag-iyak na may kaakibat na panggagalaiti.
Sa kabila ng pahayag ng WHO, hindi ko na tatangkaing busisiin ang naturang masalimuot na isyu, lalo na ang hinala na Dengvaxia ang dahilan ng kamatayan ng nabanggit na mga biktima. Lalo na ngayon na ang umano’y mga kasangkot sa pagbili at pagtuturok ng bakuna ay nakahabla sa hukuman.
Tulad ng pangamba ng ilang sektor ng sambayanan, naniniwala ako na pati ang anti-measles vaccine ay tila kinatatakutan na rin ng mga magulang. Katunayan, may mga ulat na tumatangging pabakunahan ng mga ina ang kanilang mga anak sapagkat sila ay tila minumulto pa, wika nga, ng mga pangambang likha ng Dengvaxia.
Natatandaan ko na ang nabanggit na bakuna ay halos sapilitang itinuturok sa mga katulad kong nasa elementarya; maging ang mga sanggol ay tinuturukan din ng gayong bakuna upang matiyak kahit paano na sila ay ligtas sa mapanganib na tigdas.
Maaaring may mga kabataang hindi pinaliligtas ng tigdas. Subalit wala akong natatandaang kamatayan na isinisi sa anti-measles vaccine. Hindi marahil katulad ng mga dengue victims na ang kamatayan ay kaagad isinisisi sa bakunang Dengvaxia.
Ibig kong maniwala na pati ang anti-pneumonia vaccine ay pinangangambahan na rin ng mga katulad kong nakatatandang mamamayan. Nagkaroon na rin ng malawakang panawagan upang ang mga senior citizens ay marapat na magpabakuna upang mapaglabanan ang sakit na pneumonia na malimit taguriang karamdaman ng mga tumatanda. Wala rin akong nabalitaang senior citizen na ang kamatayan ay isinisi sa naturang bakuna.
Tulad ng pahiwatig ng WHO, kailangang tiyakin na ang anumang bakuna na itinuturok sa sinuman, ay dapat dumaan sa masusing pagsubok at pagsusuri upang maiwasan ang ibayong pag-igting ng takot ng mga mamamayan, lalo na ang katulad nating mga masasakitin.