Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
MAAGANG pangingibabaw ang tatangkain ng Meralco habang sasalang naman sa unang pagkakataon ang Alaska at Rain or Shine sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Nakatakdang sagupain ng Bolts ang Globalport sa unang laro ngayong 4:30 ng hapon, habang magtutuos naman sa huling laro ganap na 7:00 ng gabi ang Alaska at Rain or Shine.
Kasalukuyang kasalo sa pamumuno ng TNT Katropa at ng Phoenix ang Bolts makaraang magsipagwagi sa una nilang laro.
Tinalo ng Meralco sa pamumuno ni reigning Best Import Arinze Onuaku ang Columbian Dyip noong nakaraang Miyerkules ,116-103.
Sa kabila ng iniindang sakit, nakapagtala si Onuaku ng 30 puntos, 19 rebounds, apat na blocks at tatlong steals bagama’t kalalabas pa lamang nito ng ospital sanhi ng pananakit ng tiyan.
“Great effort, great start for us coming off the All-Filipino. Hopefully, we could sustain it the rest of the conference,” pahayag ni Bolts coach Norman Black
Ayon pa sa Bolts mentor, malaking inspirasyon din para sa koponan ang kanilang mahusay na import.
“He gives us exactly what we need, rebounds and post-play. I believe that our locals are better with his presence,” aniya.
Sa kabilang dako, magtatangka namang bumawi sa natamong 114-128 na kabiguan sa kamay ng TNT ang Batang Pier sa pamumuno ni import Malcolm White.
Samantala sa tampok na laro, matutunghayan na ang tikas ng bagong import ng Alaska na si Antonio Campbell na rekumendado pa ng dati nilang resident import na si Sean Chambers at ang galing ni dating ABL Best Import Reggie Johnson na reinforcement naman ng Elasto Painters.