Ni Ellson A. Quismorio
Nagtataka ang isang mambabatas ng Mindanao kung ano na ang nangyari sa plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilabas ang listahan ng halos 300 barangay officials na sinasabi nilang may koneksiyon sa kalakalan ng ilegal na droga.
“Nasaan na ang listahan ng mga umano’y 289 na barangay officials na sangkot illegal drugs?” tanong ni Iligan Lone District Rep. Frederick Siao.
“Was that just a ploy, a slip of the tongue, a misquote, or a PR (public relations) stunt? If the PDEA does have such a list, then now is the time to fully disclose that list,” dagdag niya.
Binanggit ni Siao, miyembro ng House Suffrage and Electoral Reforms Committee, na tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang synchronized Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE)
Orihinal na itinakda ang BSKE noong Oktubre 2016, ngunit bumoto ang Kongreso para dalawang beses itong ipagpaliban dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa droga ng ilang mga lokal na opisyal.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na umaabot sa 40 porsiyento ng lahat ng opisyal ng barangay sa bansa ang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na ilalabas nila sa publiko ang listahan ng 289 na opisyal ng barangay na sangkot sa illegal drugs. Ang mga opisyal na ito – binubuo ng barangay chairman at kagawad—ay pawang nagmula sa Eastern Visayas.
“Now is not the time for PDEA to lose credibility over this matter. What is PDEA waiting for? Reveal the list as it is now and the reasons those barangay officials are on that list,” ani Siao.
Sinabi ni Siao na ang paglabas ng listahan ay makatutulong din sa mga opisyal na nasa “narco list.”
“Inform the public and give the officials allegedly involved the fair chance to respond to the allegations,” aniya.
Sinabi ni Aquino na sa 24,424 drug-affected barangays, may 15,290 ang “slightly affected [by illegal drugs],” at 9,089 ang “moderately affected.” May 45 barangay naman ang “seriously affected.”
“The shortest list is that of the 45 barangays ‘seriously affected.’ That is one list the people can easily understand because it is not too long. Where is that list? Reveal that also,” ani Siao sa PDEA.
Mayroong mahigit 42,000 barangay sa Pilipinas.