Ni MARY ANN SANTIAGO

Ipinabeberipika na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ulat na ilang barangay sa bansa ang wala kahit isang naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Aminado naman si Comelec Spokesman James Jimenez na mababa ang naging turnout ng COC filing para sa mga posisyon sa SK, subalit ibang kaso na, aniya, kung wala talaga kahit isang naghain ng kandidatura sa isang barangay.

“Bina-validate pa rin ‘yung claim na walang kandidatong tatakbo (sa ilang lugar). Alam natin, kaunti lang ang kandidato, alam natin na baka may mga lugar na isa lang ang kandidato. Pero ‘yung sabihin na walang kandidato at all – that might be a different story. Kailangan ma-validate muna ‘yan bago tayo magdesisyon tungkol sa issue na ‘yan,” sinabi ni Jimenez sa isang panayam sa radyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi rin ni Jimenez na sakaling mapatunayang mayroon ngang mga barangay na walang kandidato para sa halalan sa SK, maaaring bumuo na lamang ng Local Development Youth Council (LDYC) na magsisilbing pansamantalang kinatawan, alinsunod sa SK Reform Act of 2015.

“Ayon sa kanila (Department of Interior and Local Government), pansamantalang wala munang SK official sa lugar na ‘yun. LYDC ang tatayong representative ng kabataan,” ani Jimenez.

Sinabi pa ng opisyal na tinatalakay na ang Comelec en banc ang pinakamainam na hakbangin sa isyu.

Sa ngayon, aniya, ay hindi pa tapos ang screening ng Comelec sa lahat ng isinumiteng COC, ngunit inaasahang makukumpleto na ito bago magsimula ang campaign period sa Mayo 4.

Batay sa tala ng Comelec, nasa kabuuang 1,140,987 COC ang naihain para sa Barangay at SK elections, mula sa 1,625 lungsod at munisipalidad.

Sa naturang bilang, 418,906 COC lamang ang naihain para sa SK, gayung 335,584 na posisyon ang pupunan sa Mayo 14.

Nasa 722,081 naman ang naghain ng COC para sa 335,584 na barangay position, kabilang ang 87,127 para sa barangay chairman at 634,954 para sa kagawad