Ni Bert de Guzman
INAKO ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong Miyerkules ang responsibilid sa pagpaopa-imbestiga sa 71-anyos na Australian Catholic missionary, si Patricia Anne Fox, dahil umano sa “disorderly conduct.” Dahil dito, pinuntahan si Fox ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa kanyang bahay, tinanong at ikinulong ng halos 24 oras.
Ayon sa Pangulo, hindi ang militar ang umaresto sa madreng Australian kundi ang BI agents. Nilinaw niyang ang utos ay imbestigahan lang si Fox at hindi arestuhin. “Iniutos kong imbestigahan siya--hindi ipatapon kaagad, hindi hulihin dahil sa disorderly conduct”. Nagbanta si Mano Digong na ipadarakip niya si Fox kapag nagsalita ito ng masama laban sa administrasyon sa rallies.
Ilalabas na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng may 289 barangay officials na umano’y sangkot sa illegal drug trade. Sinabi ni PDEA chief Aaron Aquino na dapat lang ma-expose sa publiko kung sinu-sino ang mga tiwaling barangay chairman at kagawad upang hindi sila iboto ng mga tao sa darating na halalan.
Humihingi pa ng sapat na panahon ang Philippine National Police (PNP) sa Supreme Court upang mai-produce ang mga dokumento hinggil sa drug war ng gobyerno. Sinabi ni outgoing PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa na lumiham siya kay Solicitor General Jose Calida upang hilingin sa SC na bigyan pa ang PNP ng konting panahon upang maihanda ang mga dokumento.
Isa sa campaign promise ni PRRD noong May 2016 elections ay ang pagwawakas sa “endo” o end of contractualization na apektado ang libu-libo o milyun-milyong manggagawa. Noong Miyerkules, tiniyak ni PDu30 sa labor groups na maglalabas siya ng Executive Order na tutugon sa contractualization (endo) issue sa pribadong sektor.
Nais ng mga grupo ng manggagawa ang total ban sa endo na pumipinsala umano sa mga karapatan ng manggagawa sa security of tenure, kalayaan sa pagbuo ng asosasyon at tungkol sa bargaining agreement. Malapit na ang Araw ng Paggawa. Sana ay matamo ng mga manggagawa ang makatwirang kahilingan at sana ay tuparin ng ating Pangulo ang pangako niya noon.
Na-double whammy si Sen. Leila de Lima sa desisyon ng Korte Suprema. Ipinasiya ng SC na unconstitutional ang kautusan ni De Lima, noon ay Justice Secretary, na harangin sa airport si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo para magpagamot sa ibang bansa. Ibinasura rin ng SC ang kahilingan ng senadora na siya’y palayain matapos iutos ng hukuman sa Muntinlupa City na ikulong siya dahil sa kaso ng illegal drug trade.
Sa larangan naman tayo ng boksing. Nais ni Pambansang Kamao at Senador Manny Pacquiao na pumunta si PRRD sa Kuala Lumpur at maupo sa ringside sa kanyang paglaban kay Lucas Mathysse ng Argentina, welterweight champion, sa Hulyo 15.
“Kung hindi busy ang Presidente, nais kong manood siya sa ringside,” ani Pacquiao. Wala pang Pangulo ang nanood nang personal sa laban ni Pacman sa overseas. Maaaring pagbigyan ni Pres. Rody si Manny na matalik niyang kaibigan. Si Mano Digong ay mahilig sa boksing. Si Manny ay 39-anyos samantalang si Mathysse ay 35 taong gulang.