Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Dalawa pang opisyal ang nasampulan mula sa chopping block ni Pangulong Duterte makaraang igiit ng huli na may affidavit siya tungkol sa katiwaliang ginawa umano ng nasabing mga opisyal.

“’Pag sinabi kong I am trying, it would be at the expense of government people who are into corruption,” sinabi ni Pangulong Duterte nang dumalo siya sa 24th National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines Annual Convention sa Legazpi City, Albay, nitong Sabado ng gabi.

“Talagang hindi ko talaga tatanggapin ‘yan (kurapsiyon). The other day I fired two. One undersecretary,” sabi ng Presidente, na hindi na nilinaw pa.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nagbigay din ng pahayag si Duterte tungkol sa pagbibitiw sa tungkulin kamakailan ni Labor Undersecretary Dominador Say, na nagsabing nag-resign ito dahil sa hindi nila pagkakasundo sa usapin ng contractualization o “endo” (end-of-contract).

Ayon kay Duterte, makabubuting manahimik na lang si Say kung wala naman itong balak na magsabi ng totoo sa publiko.

“Kayong napasibat sa gobyerno, meron talagang affidavit ‘yan. And here comes the guy saying, ‘Ah hindi kami magkaintindihan sa endo.’ ‘Adre, you better shut your mouth or tell the truth immediately,” anang Pangulo. “Kasi ‘yung affidavit na pinirmahan sa harap ko, bibitawan ‘yan, ibigay ko sa media. Then I would ask the... to endorse it to the (Office of the) Ombudsman.”

Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung hindi nagbitiw sa puwesto ay sisibakin ng Pangulo si Say dahil sa katiwalian.

Kasabay nito, nagpaalala si Pangulong Duterte sa mga kawani ng gobyerno na irespeto ang publiko dahil ang mamamayan ang nagpapasuweldo sa kanila.

“Be courteous to your employers (publiko) kasi sila diyan nagbayad ng suweldo natin. Do not consider yourself, you know, sit on your table as if you are an official. You are not, actually,” sabi ni Duterte. “We are workers of government and we are mandated to serve the public. Then you have to be courteous and protect the money of the people.”