Ni Nora V. Calderon
Patindina nang patindi ang mga eksena sa advocaserye ng GMA7 na Hindi Ko Kayang Iwan Ka, tampok sina Yasmien Kurdi as Thea at Mike Tan as Marco. Masaya ang pagsasama ng mag-asawang Thea at Marco at ng kambal nilang anak, hanggang sa malamang may HIV virus si Thea.
Noong una ay tanggap ni Marco ang sakit ng asawa na basta nagpapagamot siya, ay hindi siya mahahawa at ang kanilang mga anak. Pero hindi ito pinalampas ng matapobreng ina ni Marco na si Adel (Gina Alajar) at gumawa ng lahat ng paraan para mapalayas sa kanyang bahay si Thea.
Tinanong si Yasmien sa press visit ng kanilang serye, kung kaya ba niyang iwanan ang asawa at anak niya?
“Hindi ko po kayang iwan ang asawa ko,” nakangiting wika ni Yasmien.
“Babae po kasi si Ayesha, pagdating ng oras na nag-asawa na siya, iiwanan na niya ako, mag-isa na lamang ako. Ang asawa ko po, hindi ko kayang iwan, siya na lamang ang matitira sa akin,” paliwanag ni Yasmien.
Ayon kay Yasmien, marami siyang natutunan nang tanggapin niya ang afternoon prime drama series.
“Nakakatuwa po na ang daming lumalapit sa akin na mga HIV patient, iyong iba nagpapadala sa akin ng direct message na nanonood daw sila, at gusto nilang sana raw ay humaba pa ang show namin, dahil marami silang nalalaman tungkol sa HIV. Naiiyak daw sila habang nanonood, naiiyak sila pero lumalaban na gumaling sila.
“Kahit po ako kapag nagsu-shoot kami, kahit wala naman sa script na umiyak ako, naiiyak ako kapag ginagawa ko na ang eksena, nararamdaman ko na lamang na tumutulo na ang luha ko.”
Natanong si Yasmien kung hindi pa ba nila susundan ng husband niya si Ayesha, who’s five years old na?
“After po nitong serye namin, gusto ko pa ng isa pang project, bitin po ako sa acting ko. Open po ako kahit anong role ang ibigay nila sa akin. Pagkatapos po noon, magpapahinga na muna ako para masundan na namin si Ayesha.”
Mapapanood ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka, araw-araw pagkatapos ng The Stepdaughters.