Nina MARY ANN SANTIAGO at LESLIE ANN AQUINO

Walang plano ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin ang panahon ng paghahain ng kandidatura para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa isang forum sa Maynila, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na mayroon na lamang na hanggang 5:00 ng hapon bukas, Abril 20, ang mga kakandidato para maghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Comelec office sa kanilang lugar.

Ayon kay Jimenez, mahigit 100,000 katao na ang naghain ng kanilang kandidatura sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, sinabi ni Jimenez na maliit ang nasabing bilang kumpara sa posisyong pupunan sa eleksiyon.

Nabatid na mayroong 31,900 chairmanship at 263,000 council position na paglalabanan sa eleksiyon sa Mayo 14.

‘NO EXTENSION’

Kaugnay nito, hinikayat din ni Jimenez ang mga may balak na kumandidato na samantalahin ang pagkakataon at kaagad nang magsumite ng kanilang COC.

“No extension. It will end on Friday, April 20. Wala pa tayong ina-announce, wala tayong balak mag-extend ng filing,” ani Jimenez. “As of now, as we speak, April 20 ang last day ng filing ng COC. (You can file it) within office hours, from 8:00 a.m. to 5:00 p.m.”

Abril 14 nang magsimula ang tanggapan ng COC, kasabay ng pagsisimula ng election period at pagpapatupad ng gun ban.

Maaari nang mangampanya ang mga kandidato sa Mayo 4-12.

MAG-FILE NG SOCE

Kasabay nito, nagpaalala rin ang Comelec sa mga kandidato na maghain ng kani-kanilang statements of election contributions and expenditures (SOCE) hanggang sa Hunyo 13 kung ayaw nilang madiskuwalipika sa paglilingkod sa gobyerno.

“Win or lose, all candidates must file their SOCE,” saad sa pahayag ni Jimenez.

Abril 13 nang ilathala ng Comelec Campaign Finance Office (CFO) sa website ng poll body ang listahan ng 105 kandidato na habambuhay nang diniskuwalipika ng komisyon sa pagkandidato dahil sa paulit-ulit na kabiguang maghain ng kani-kanilang SOCE pagkatapos ng eleksiyon.