Ni Bella Gamotea
Nag-inspeksiyon kahapon ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at National Food Authority (NFA) sa mga palengke sa Pasay City upang tiyaking nakarating ang mga bigas na tulong ng pamahalaan.
Pinangunahan mismo nina DA Secretary Manny Piñol, DTI Sec. Ramon Lopez at NFA Administrator Jason Aquino ang inspeksiyon at unang pinuntahan ang Cartimar market sa Pasay.
Ikinatuwa ng mga opisyal ang naka-display na bigas galing sa Nueva Ecija, na mabibili ng P39 kada kilo, bilang pansamantalang pamalit sa NFA rice sa merkado habang hinihintay pa ang tone-toneladang bigas na inangkat ng gobyerno sa ibang bansa.
Binisita rin nila ang Libertad market at walang nakitang paglabag sa rice retailers sa lugar.
Paglilinaw ng mga opisyal, layunin ng inspeksiyon na masiguro na makararating sa mga pamilihan at mabibili sa abot-kayang halaga ang mga well-milled rice mula sa Nueva Ecija.
Ayon kay Piñol, bubuo sila ng technical working group para bantayan ang presyo ng mga bigas sa pamilihan.