ISANG preso sa Pasay City Jail ang namatay noong isang linggo, habang anim na iba pa ang isinugod sa ospital matapos mawalan ng malay, dahil sa matinding init ng panahon. ‘Overcrowding’ sa mga piitan ang itinuturong sanhi ng insidente.
Ayon kay section chief, Chief Inspector Wilfredo Sangel, maliit lamang ang selda ng Pasay City jail na may sukat na 22.8 metro kuwadrado na nakalaan para sa 40 preso, ngunit 143 ang nakakulong ngayon dito. May ilang preso na nasintensiyahan na at hinihintay na lamang ilipat sa Bureau of Jail Management, ngunit marami pa rin ang hindi pa nakapagpapiyansa.
Matagal na itong problema ng Philippine National Police (PNP) - ang siksikang kulungan sa bansa lalo na sa Metro Manila. Noong Pebrero 2017, isang photographer ng international news Agence France Presse ang nanalo sa taunang World Press Photo Contest para sa larawang kinunan sa Quezon City jail na nagpapakita ng mga preso na natutulog sa mga hagdanan ng gusali dahil sa kawalan ng espasyo sa lugar.
Mayo ng taong iyon, humiling ang Senado ng imbestigasyon, kasunod ng pagkakadiskubre sa isang “secret cell” sa loob ng Rexabago police station sa Tondo, Maynila, kung saan pansamantalang ipiniit ang ilang drug suspect habang hindi pa nakapagpapiyansa. Lumabas na ang “sikretong selda” ay isang maliit na espasyo sa likod ng isang cabinet na binakbak ng station commander upang gawing piitan para sa 12 katao na naaresto sa anti-drugs drive dahil sa kawalan ng espasyo sa regular na mga selda.
Ayon kay Director General Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng PNP, naawa siya sa mga pulis na nagpapatakbo ng selda.
Dahil naisip ng mga ito na gamitin ang natitirang espasyo ng istasyon upang masolusyonan ang siksikan sa mga selda, ngunit ngayo’y nahaharap ang mga pulis sa imbestigasyon ng Senado dahil sa pagpiit sa mga preso sa “secret detention places” na ipinagbabawal ng Republic Act 9745, ang Anti-Torture Act of 2009.
Sampung buwan na ang nakalipas at walang ipinagbago sa problema ng siksikang kulungan sa ating bansa. Kasunod ng pagkamatay ng isang preso sa Pasay City jail, sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao na nais ng PNP na ipahayag ang problema ngunit nangangailangan ito ng pondo na kailangang maisama sa budget ng Bureau of Jail Management and Penology.
Samantala, sinabi ni Bulalacao na nangako ang bagong hepe ng PNP, si Director General Oscar Albayalde, na ipagpapatuloy nito ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang krimen. Mas maraming maaaresto at madadagdagan pa ang mga makikipagsiksikan sa mga umaapaw nang kulungan.
Huwag na sana nating hintayin na mas maraming maospital at mamatay bago gumawa ng aksiyon ang mga opisyal sa problema ng siksikang bilangguan. Ang pangmatagalang solusyon para sa pagpopondo ng mga bagong gusali at pasilidad ay gugugol ng mahabang panahon. Ngunit kailangan ang masigasig na paghahanap ng solusyon para sa kailangang epasyo ng mga kulungan, lalo na ngayon na nagsimula na ang tag-init.