Ni Orly L. Barcala

Ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang i-raid ang sinasabing shabu laboratory sa Malabon City, nang muling sumalakay ang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang warehouse ng mga kemikal sa umano’y paggawa ng shabu sa lungsod, nitong Lunes ng hapon.

Sinalakay ni Senior Supt. John Chua, hepe ng Malabon City Police, at ng mga kawani ng PDEA ang bodega sa Barangay Santolan, Malabon City, bandang 2:00 ng hapon.

Ayon kay Chua, sa bisa ng search warrant ay sinalakay nila ang lugar nang makumpirmang imbakan ito ng mga kemikal sa paggawa ng shabu.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nasamsam sa lugar ang galun-galong kemikal sa paggawa ng shabu.

Matatandaan na nitong Biyernes lamang sinalakay ng awtoridad ang umano’y shabu laboratory sa Bgy. Tinejeros, at nasamsam ang makina sa paggawa ng shabu at ecstasy, habang naaresto naman ang isang Chinese at ang driver nito.

Sinabi pa ni Chua na ang huling raid sa Bgy. Santolan ay konektado rin sa shabu laboratory na sinalakay sa Batangas, kung saan apat na Chinese at limang Pinoy ang inaresto.