Ni Bella Gamotea
Sa rehas ang bagsak ng dalawang lalaki makaraang ireklamo ng panggugulo at makumpiskahan ng hinihinalang ilegal na droga at icepick sa Taguig City kamakalawa.
Kasalukuyang nakakulong sa Taguig City Police sina Jainodin Baguinaid y Mambao at Hayan Uttip y Aton, kapwa nasa hustong gulang, ng Barangay Maharlika Village ng nasabing lungsod.
Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), inaresto ng nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 sina Baguinaid at Uttip sa Sultan Kudarat Street, sa Bgy. Maharlika Village, bandang 6:00 ng umaga.
Unang nakatanggap ng tawag ang PCP 2 at Barangay Security Force (BSF) ng Bgy. Maharlika mula sa isang residente kaugnay ng panggugulo ng dalawang lalaki sa lugar.
Agad rumesponde ang awtoridad, kasama ang BSF, at nadatnan ang mga suspek sa aktong nanggugulo sa mga residente at tuluyang inaresto.
Nakumpiska kina Baguinaid at Uttip ang dalawang pakete ng umano’y shabu at isang icepick.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng alarm and scandal, illegal possession of deadly weapon at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sa Taguig Prosecutor’s Office.