Ni Bert de Guzman
SINALAKAY ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kasama ang mga pulis at kawal, ang malaking shabu laboratory sa Ibaan, Batangas noong Huwebes. Apat na Chinese at apat na Pilipino ang nadakip. Ang laboratoryo ng bawal na droga, ayon kay PDEA Chief Aaron Aquino, ay nakapagpo-produce ng 25 kilos ng shabu araw-araw na nagkakahalaga ng P125 milyon.
Ilang kabataan na mahal ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang pipinsalain ng gayong shabu? “Do not destroy the youth of my land, because I will kill you.” Tama ang Pangulo rito.
Ang pagsalakay sa laboratoryo ay kasunod ng pitong buwang surveillance matapos makatanggap ng impormasyon ang PDEA mula sa Office of the National Narcotics Control Commission ng Ministry of Public Security ng China. Ang apat na Chinese ay miyembro umano ng Drango Wu drug ring na may kaugnayan sa Golden Triangle na nag-ooperate sa hangganan ng Thailand, Laos at Myanmar.
Buwenas ang mga nadakip na Chinese at Pilipino sapagkat hindi sila itinumba ng mga ahente ng PDEA, pulis at kawal, di tulad ng pagtumba ng mga pulis ni Gen. Bato sa mga ordinaryong pushers at users.
Hindi maiwasan ang magtanong at magtaka kung bakit sa gayong pagsalakay sa malalaking laboratoryo, hindi basta-basta namamaril ang mga ahente ng PDEA, pulis at kawal. Dahil kaya ang sangkot ay mga dayuhan o Chinese? Kung sa ibang pagsalakay ito at ordinaryong tulak at adik lang ang inabutan, tiyak patay ang mga ito.
Sa tatlong sangay ng pamahalaan--Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura--lumalabas na pinakamakapangyarihan ang Sangay ng Ehekutibo. Napasusunod nito ang Lehislatura, nabu-bully ang Hudikatura o naha-harass kapag ginamit ang puwersa at impluwensiya nito.
Sa ngayon, kung susuriing mabuti, parang ganito ang lumalabas na senaryo. Yuko ang Lehislatura at natatakot ang Hudikatura. May nagsasabi ngang “Ang Gusto ng Hari, Hindi Mababali.” Ang kagustuhan niya ay dapat masunod at kung hindi, baka ikaw ang mapagbalingan ng kanyang galit at pagkainis, lagot kang bata ka!
Malamig (kahit tag-init ngayon) ang mga senador sa unsigned draft report ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, na dapat papanagutin si ex-Pres. Noynoy Aquino sa pagbili at paggamit ng Dengvaxia anti-dengue vaccine na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon. Bukod kay ex-PNoy, pinakakasuhan din ni Gordon sina ex Department of Health (DoH) Secretary Janette Garian at ex Budget Sec. Florencio Abad.
Nang magtungo si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Hong Kong, humingi siya ng apology dahil sa nangyaring hostage-taking sa Luneta noong Agosto 23,2010, na ikinamatay ng walong HongKong tourists. Isinisi ang malagim na insidente sa kapalpakan at kawalan ng training ng mga pulis sa gayong insidente. Kailanman ay hindi humingi ng apology si PNoy gayong isang simpleng apology ay sapat na para maparam ang galit ng taga-Hong Kong sa Pilipinas.