Ni Marivic Awitan

PORMAL na inihayag ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella ‘Popoy’ Juico ang kumpletong listahan ng Philippine Team na isasabak sa 2018 Asian Games na idaraos sa Jakarta at Palembang, Indonesia sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2.

Walong atleta na kinabibilangan ng anim na lalaki at dalawang babae ang nakatakdang kumatawan sa bansa sa Asiad.

Pangungunahan ang national athletics squad ng nakaraang Southeast Asian Games double gold medalist na si Trenten Anthony Beram na lalaban sa dalawang events kung saan siya nagwagi ng dalawang gold medals noong isang taon sa Malaysia - ang 200 meter at 400 meter.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang iba pang miyembro ng team ay sina Eric Shauwn Cray na lalahok sa men’s 400 meter hurdles, Ernest John Obiena (Men’s Pole Vault) ,Aries Toledo (Decathlon) , Marco Vilog (Men’s 800 meter ) at Mark Harry Diones (Men’s Triple Jump) .

Si reigning SEA Games marathon queen Mary Joy Tabal naman kasama ang dating long jump champion na si Marestella Torres-Sunang ang kukumpleto sa delegasyon.

Misyon ng nasabing athletics squad ang tapusin na ang mahigit isang dekada ng gold medal drought sa larangan ng athletics sa Asiad.

Ang huling pagkakataon na nagwagi ang bansa ng athletics gold sa Asian Games ay noon pang 1986 sa Seoul, South Korea sa pamamagitan ng dating Asia’s Sprint Queen na si Lydia de Vega-Mercado na ngayo’y nakabase na sa Singapore.