Ni Bella Gamotea

Siniguro ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ligtas na biyahe at maayos na serbisyo sa mga pasahero at bakasyunistang dadagsa ngayong summer season.

Ito ay matapos na umapela si MIAA General Manager Ed Monreal sa mga kumpanya ng eroplano na may domestic flights upang tiyaking walang mahabang pila sa check-in counters, kahit may kakulangan sa mga tauhan at naaantala ang pagbubukas ng mga counter, lalo ngayong sabay-sabay ang bugso ng mga bakasyunista.

Sinabi ni Monreal na magiging kumportable na ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos makumpleto ang mga stand alone air-conditioning unit sa paliparan.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Inatasan din ng opisyal ang assistance general manager for security na i-monitor ang mga taxi sa NAIA upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga pasahero, sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Inihayag din ni Monreal ang pagdadagdag ng mobile foot patrol at K-9 unit upang magbigay ng seguridad.

Pinayuhan din niya ang mga biyahero na tiyaking kumpleto ang kanilang mga bagahe,iwasan ang pagbibitbit ng mga ipinagbabawal na gamit, dumating sa paliparan dalawang oras bago ang flight upang hindi maabala ang biyahe.