Ni Jun Fabon

Agad sinibak ni Quezon City Police District director, Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang dalawang bagitong pulis na natakasan ng isang drug suspect matapos isailalim ang huli sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office, nitong Sabado ng hatinggabi.

Sa ulat na ipinarating sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang mga sinibak na sina PO1s Jayson Landayan at Randy Yape, kapwa nakatalaga sa Novaliches Police- Station 4.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nag-ugat ang pagsibak matapos silang matakasan ng drug suspect na si Jhan Jhan Abacian, 21, ng Kingspoint Subdivision, Katipunan Avenue, Barangay Bagbag, sa Novaliches.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nadakip si Abacion sa buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) nitong Abril 12.

Katatapos lang sampahan si Abacion ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya at inalalayan siya nina Landayan at Yape, dakong 12:00 ng hatinggabi.

Habang sakay sa mobile unit pabalik ng himpilan ng pulisya, sa kahabaan ng Qurino Highway, tinanggal ni Abacion ang posas sa kanyang kamay at lumundag mula sa naturang sasakyan.

Hinabol nina Landayan at Yape ang suspek ngunit hindi nila ito naabutan.

Nahaharap sina Landayan at Yape sa kasong administratibo at isinailalim sa restrictive custody ng CIDU.

“Itong mga ganitong insidente ay dapat na maging aral sa ating mga pulis na huwag maging kampante sa pag-e-escort sa mga suspek. Sila ay dapat na laging alerto at nakabantay upang hindi matakasan,” ani Chief Supt. Eleazar.