Ni Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, noong nakaraang linggo, limang buwan mula nang ideklara ni Pangulong Duterte na “malaya” na sa kamay ng mga terorista ang Marawi, binalikan ng mga residente ang puso ng lungsod kung saan naganap ang pinakamatinding bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng mga kasapi ng Maute group. Iyon ang “ground zero” kung saan makikita ang bakas ng karahasang bunga ng mahigit 150 araw na krisis sa lungsod—mga nasirang bahay, mga nagibang gusali, at mga moskeng tadtad ng bala. Kung nakalulungkot para sa atin na makita ang mga ito sa mga larawan at video, tiyak na nakadudurog ng puso ang mga ito para sa mga residente roon.

Ngunit nakababahala ang balitang narinig natin noong nakaraang linggo rin kung saan sinabi ng pamahalaang pangungunahan ng isang consortium o grupo ng mga pribadong kumpanya ang pagsasaayos ng Marawi, partikular na ang pagtatayo ng tinatawag na economic zone roon. Kinabibilangan ang consortium ng apat na Pilipinong kumpanya at limang Tsinong kumpanya. Magtatayo rin ang pamahalaan ng kampo ng militar. Isa sa mga grupong kumuwestyon sa mga planong ito ang Ranaw Multi-Sectoral Movement, na nagsabing hindi naging bahagi ng pagpaplano ang mga mamamayan ng Marawi. Ayon sa grupo, hindi pinakinggan ng pamahalaan ang mga mungkahi ng mga tao at hindi isinaalang-alang sa ginawang plano ang mga pangarap at hangarin ng mga Maranao para sa kanilang lungsod.

Bagamat unti-unti nang natatabunan ng ibang balita sa pulitika ang mga isyu mula nang matapos ang digmaan sa Marawi, huwag natin iwaglit sa ating isipan ang kalagayan ng mga pamilyang hindi kailanman, sa kanilang imahinasyon, nakita ang kanilang lungsod na mauuwi sa mga nagkalat na piraso ng bato. Maraming residente ang kailangan pang manatili sa mga temporary shelters sa loob ng tatlong taon—napakahabang panahon pa ng pagtitiis sa lugar na walang maayos na supply ng tubig at sistema ng sanitasyon. Hindi rin sila binigyan ng katiyakang mababalikan pa nila ang lugar na kanilang tinirahan dahil rerepasuhin pa ng pamahalaan ang mga pag-angkin ng lupa o land ownership claims, gayundin ang mga titulo ng lupa ng mga residente lalo pa’t malaking bahagi raw ng residential areas ng Marawi ay nakapaloob sa military reservation.

Gaano nga ba kalaki ang pangangailangan para sa isang economic zone o sa kampo ng militar sa Marawi? Kailangan ba talagang itayo ang mga ito sa lugar na dating tirahan ng mga tao at sentro ng kanilang buhay at kabuhayan?

Isa sa mga saligang prinsipyo ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan ay ang pagsasakapangyarihan sa mga tao o people empowerment, at malaking bahagi nito ang pagbibigay sa mga tao ng pagkakataong makalahok at maging bahagi ng anumang pagpaplano o pagpapasyang may kinalaman sa kanilang kapakanan. Karapatan at tungkulin din ng lahat, anuman ang kanilang katayuan sa buhay, na makibahagi sa pagbubuo ng makatarungan at makataong lipunan tungo sa kagalingan at kaunlaran ng lahat, lalo na ng mga mahihirap at mahihina. Naniniwala tayong may aktibong papel na ginagampanan ang lahat sa paghubog ng ating pinagsasaluhang kasaysayan; hindi lamang tagatanggap ang mga tao ng anumang maging pasya o kagustuhan ng iilan.

Sa madaling salita, ang pagbangon ng Marawi ay hindi lamang nakasalalay sa kung ano ang sasabihin ng Malacañang, hindi lamang nakabatay sa disenyong ihahain sa pamahalaan ng mga pribadong interes, at hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng mga gusali at kampong hindi naman malinaw na pakikinabangan ng mga mamamayan sa Marawi. Para kanino babangon ang Marawi kundi para sa mga taong nagsikap na paunlarin ang lungsod, mga taong may pangarap para sa kanilang pamilya at pamayanan. Ang pagbangon ng Marawi na idinidikta lamang ng mga nasa poder at kanilang mga pinapaborang interes, ay maituturing na bagong pananakop sa lungsod.

Sumainyo ang katotohanan.