Ni Aaron Recuenco

Inaresto ng anti-scalawag operatives ng Philippine National Police (PNP) ang apat na pulis ng Manila Police District (MPD), matapos akusahan ng pangingikil sa isang Egyptian na kanilang nadakip dahil sa umano’y ilegal na droga.

Ayon kay Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, commander ng Counter-Intelligence Task Force (CITF), agad silang nagkasa ng entrapment operation matapos humingi ng tulong ang isang Egyptian, hindi pinangalanan, na pinilit umanong magbigay ng P200,000 upang hindi kasuhan.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“The Egyptian was arrested for alleged violation of anti-illegal drugs law. He was then required to pay P200,000.00 so as not to be charged,” ani Senior Supt. Malayo.

“The demand was later reduced to 50,000.00 of which a check was issued with the agreement that it will be exchanged with a hot cash today (Friday) hence their arrest,” dugtong niya.

Kabilang sa mga inarestong pulis sina SPO3 Ranny Litonjoa Dionisio; PO3 Richard Osorio Bernal; PO1 Elequiel Jeric Fernandez at PO1 Arjay Lastricia Lasap, pawang nakatalaga sa Intelligence Section ng MPD-Station 9.

Ayon kay Malayo, patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang CITF dahil batay sa reklamo ng Egyptian ay nasa 10 armadong lalaki ang umaresto sa kanya noong Abril 9.

Ang mga nadakip na pulis ay dinala sa National Bureau of Investigation (NBI) at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.