Ni Light A. Nolasco

NUEVA ECIJA - Dalawang umano’y drug pusher ang napaslang matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng anti-illegal drugs operation sa dalawang bayan sa Nueva Ecija, nitong Huwebes ng madaling-araw.

Unang tumimbuwang si Manny Ayroso, ng Barangay Mangino, Gapan City nang makipagbarilan umano sa mga tauhan ng Gapan Police sa buy-bust operation sa nabanggit na barangay.

Narekober umano ng mga tauhan ni Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, Station, sa operasyon ang isang .38 caliber revolver, motorsiklo, at ilang pakete ng shabu.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napatay din ng pulisya si Jerwin Alejo, 38, ng Bgy. Bakod-Bayan, Cabanatuan City matapos umano nitong manlaban sa inilatag na operasyon laban sa droga.

Hindi naman maiwasan ng mga tauhan ni Cabanatuan City Police chief, Supt. Ponciano Zafra na lumaban kay Jerwin Alejo, 38, ng naturang lugar, nang paputukan umano sila nito.

Nasamsam mula kay Alejo, nasa drug watch list, ang 14 na plastic sachet ng umano’y shabu, isang motorsiklong walang plaka, at anim na basyo ng .9mm pistol.