Ni Danny J. Estacio
MAUBAN, Quezon - Nasagip ng pinagsanib na puwersa ng Mauban Police, Philippine Coast Guard (PCG), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang 16 na katao sa pagtaob ng kinalululanan nilang bangka sa Sitio Calamias, Barangay Cag-siay 3, sa Mauban, Quezon, nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ni Mauban MDRRMO ang mga nasagip na mag-asawang Wilfredo Nava, 64, kapitan at may-ari ng bangka; at Marilyn Nava, 61, kapwa taga-Bgy. Sadsaran; Rodel Sucuano, 47; Arlo Papa Bandales, 37; Reyboy Albotante, 27; Clifford Rogales, 39, pawang tripulante ng bangka.
Na-rescue rin sina Lamberto Halak, 32; Arlo Bandales, 37; Anabelle Sucuano, 48; Conchita Nañoz, 58; Angela Nañoz, 6; Christel Nañoz, 13; Lerma Nañoz, 33, pawang ng Bgy. Polo; Herardo Rubia, 46; Nathaniel Rubia, 15; Lenny Rubia, 34; at Catherine Rubia, 10, pawang taga-Burdeos.
Base sa ulat, sakay ang mga biktima sa cargo motorized vessel na Freddiemar mula sa Mauban at patungong Burdeos, ganap na 7:30 ng umaga, nang sinalubong ang bangka ng napakalakas na hangin at alon hanggang tumaob ito.
Naiparating sa kinauukulan ang insidente, bandang 11:30 ng umaga, at agad rumesponde at nagsagawa ng rescue operation at nasagip ang lahat ng pasahero, at dinala sa Philippine Coast Guard Precinct, bandang 4:00 ng hapon.