Nina FER TABOY at AARON RECUENCO, ulat ni Danny J. Estacio

Patay ang limang kidnapper, na nagpanggap na mga police commando, at isang babaeng pulis habang sugatan ang tatlo pang operatiba at ang lalaking iniligtas sa pagdukot ng mga suspek, makaraang magkabakbakan ang magkabilang panig nang masukol sa Maharlika Highway sa San Pablo City, Laguna, kahapon ng umaga.

HUMANTONG SA KAMATAYAN Sa kuhang ito ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group, makikita ang isa sa limang nagpanggap na pulis na dumukot sa isang drug personality sa Candelaria, Quezon, na napatay sa pakikipagbakbakan sa mga awtoridad sa San Pablo City, Laguna kahapon ng umaga.

HUMANTONG SA KAMATAYAN Sa kuhang ito ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group, makikita ang isa sa limang nagpanggap na pulis na dumukot sa isang drug personality sa Candelaria, Quezon, na napatay sa pakikipagbakbakan sa mga awtoridad sa San Pablo City, Laguna kahapon ng umaga.

Isa ring bystander ang nasugatan sa ligaw na bala, ayon pa sa pulisya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakikilala ang limang suspek, na pawang nakasuot ng battle clothing ng Philippine National Police (PNP), habang sa ospital na binawian ng buhay si PO1 Ma. Zarah Baliton Andal.

Sugatan din ang tatlong pulis na sina PO1s Junjun Javola, Jefffey Orlanes, January Mendoza, na tulad ni Andal ay mga operatiba rin ng Candelaria Police.

Nasugatan din sa bakbakan ang kinidnap ng mga suspek na si Ronaldo Arguelles, na sapilitang tinangay ng mga suspek na nagpanggap na pulis, sa bahay nito sa Candelaria, Quezon.

Sinabi ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, director ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), na bandang 6:15 ng gabi nitong Lunes nang pinasok ng mga suspek sa kanyang bahay sa Barangay Marilag Sur, Candelaria at dinukot si Arguelles.

Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ng ransom demand na P700,000 ang pamilya ng biktima at pinlano ng mga awtoridad ang operasyon, ayon kay Senior Supt. Glenn Dumlao, hepe ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng PNP.

“During pay-off operation, the operatives chanced upon a Toyota Sportivo bearing ‘Lost Plate TEMPT NO. 989’ which was believed to be the vehicle of the suspects,” sabi ni Dumlao.

Sinabi ng San Pablo City Police Office (SPCPO) na sumiklab ang bakbakan dakong 6:00 ng umaga sa Bgy. San Nicolas sa lungsod, at dead on the spot ang mga suspek. Ayon kay Dumlao, apat sa mga suspek ay nakasuot ng battle uniform ng Regional Public Safety Battalion ng PNP, habang nakasibilyan naman ang isa pa.

Sa clearing operation, natukoy na nakasaad sa uniporme ng mga suspek ang mga pangalang SPO2 Adalla, SPO3 Fernandez, PO3 Dizon, at PO2 Rebadulla— bagamat kinumpirma na ni Armamento na mga pekeng pulis ang mga suspek.

“We verified it with the regional police force and with the Army but their names are negative. We suspect that they are not policemen since some of them are just wearing pair of slippers and that the belt are ordinary ones and not PNP-issued,” ani Dumlao.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang Thompson rifle, dalawang .45 caliber pistol, dalawang granada, at iba’t ibang bala.

Ang suspek na si Arguelles ay isang high value target, at nasangkot sa tatlong kaso ng ilegal na droga simula 2005, bagamat dalawa sa mga ito ay na-dismiss, ayon kay Armamento.