Ni Niño N. Luces
CAMP OLA, Legazpi City – Apat na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang limang iba pa ang naaresto sa magkahiwalay na engkuwentro sa militar nitong Lunes at Martes ng umaga sa Camarines Sur.
Sinabi sa Balita ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, na nangyari ang unang bakbakan dakong 8:50 ng umaga nitong Lunes sa Barangay Gubat sa bayan ng Lagonoy, at isang rebelde ang nasawi.
Ayon kay Senior Insp. Calubaquib, tumagal ang bakbakan hanggang 1:20 ng hapon, at narekober sa lugar ang bangkay ng rebelde at isang M14 rifle.
Kahapon ng umaga, tatlong hinihinalang miyembro ng Larangan 1, Komiteng Probinsiya 5 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) ng NPA ang napatay sa pakikipagsagupaan sa Bravo Company ng 83rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bgy. Payak sa bayan ng Bato.
Sinabi ni Calubaquib na nangyari ang engkuwentro bandang 6:45 ng umaga habang nagsasagawa ng combat operations ang militar sa lugar, at inabot ng isang oras ang bakbakan.
Bukod sa mga bangkay ng mga rebelde at tatlong M16 rifle, naaresto rin ng Army ang lima pang hinihinang kasapi ng NPA, at dalawa sa mga ito ay sugatan.