Ni Marivic Awitan

MULING sinolo ng National University ang liderato habang sumalo ang Far Eastern University sa defending men’s champion Ateneo de Manila University sa ikalawang puwesto kahapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Naitala ng Bulldogs ang kanilang ika-11 panalo kontra 2 talo matapos walisin ang winless pa ring University of the East, 25-16, 25-23, 25-13.

Pinangunahan ni Bryan Bagunas ang nasabing panalo ng Bulldogs sa kanyang itinalang 18-puntos bukod pa sa 21 excellent receptions.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sinundan naman siya ni James Natividad na nag-ambag ng 14 puntos na kinabibilangan ng 12 hits at 2 blocks.

Ang kabiguan ang ang ika-12 sunod para sa Red Warriors.

Sa isa pang laban, nakopo naman ng Tamaraws ang ika-10 tagumpay sa loob ng 12 laban upang makapantay ng Blue Eagles sa second spot pagkaraang talunin ang Adamson Falcons, 25-23, 25-21, 21-25, 25-20.

Nagposte si JP Bugaoan ng 22 puntos, kasunod si Jude Garcia na may 18 puntos at 8 digs upang pangunahan ang panalo ng Tamaraws na nagbaba sa Falcons sa markang 6-7, panalo-talo.