Ni PNA
BUBUO ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang National Commission on Indigenous People (NCIP) ng bagong panuntunan para sa right-of-way (RROW) claims, partikular sa mga lupaing sakop ng ancestral domains.
Ito’y matapos lagdaan nina DPWH Secretary Mark Villar at NCIP Chairperson at lawyer Leonor T. Oralde-Quintay ang Memorandum of Agreement (MOA), na layuning mapabilis ang implementasyon ng mga proyektong pang-imprastruktura sa bansa.
“As much as we want to facilitate swift implementation of vital infrastructure projects across the country, it is in our utmost priority to protect the rights and welfare of Indigenous Peoples (IPs), or Indigenous Cultural Communities (ICCs),” pahayag ni Villar.
Sa ilalim ng kasunduan, kailangang bumuo ng DPWH-NCIP technical working group (TWG) na magbibigay sa Komisyon ng proseso ng implementasyon ng proyekto ng gobyerno tulad ng mga kalsada, tulay at iba pang imprastruktura, gayundin ang pagproseso sa mga kailangang dokumento sa pagkuha ng right-of-way.
Bubuo ng mga panuntunan at pamamaraan ang TWG, para mapadali ang pagproseso ng mga dokumentong kailangan sa pakuha ng kompensasyon sa mga apektadong pag-aari ng mga IPs/ICC sa proyekto ng DPWH.
“With this undertaking, we hope to craft a streamlined guideline on RROW acquisition based on advice and expertise of NCIP and hopefully implement projects that will only provide positive impact on IPs’ rights on land, territory, resources, livelihood and culture,” dagdag pa ni Villar.
Sa kabilang dako, makikipagtulungan naman ang NCIP sa TWG para sa akreditasyon ng IPs/ICCs, pasasaayos ng mga dokumento tulad ng titulo ng mga ancestral domain at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa lugar na sakop ng proyekto.
Magiging epektibo ang MOA sa loob na dalawang taon.