Ni Gilbert Espeña
HAHAMUNIN ni one-time world title challenger Richard Claveras ng Pilipinas ang walang talong si WBA Oceania super flyweight at OPBF champion Andrew Moloney sa Mayo 19 sa Malvern Town Hall, New South Wales, Australia.
Malaking pagsubok ito kay Claveras na huling natalo sa kontrobersiyal na 12-round split decision kay OPBF flyweight champion Neisuke Nakayana noong Hunyo 13, 2017 sa Korakeun Hall sa Tokyo, Japan pero kaagad nakabawi nang patulugin ang kababayan na betenong si Noel Adelmita.
Kinakailangan na patulugin ni Claveras si Moloney na bukod sa WBA regional champion ay may hawak din sa OPBF title na nakuha niya sa puntos sa dating kampeon na si Rene Dacquel na isa ring Pilipino. Lahat ng laban niya ay naganap sa Australia kaya mahirap siyang talunin sa puntos.
“Claveras gets a shot at a WBA Oceania title, it’s a great opportunity for him. We know he has already fought for a WBC world title and will be a dangerous opponent for Andrew Moloney,” sabi ni Aussie promoter Peter Maniatis sa Philboxing.com. “I always like to support Filipino boxers, getting opportunities abroad.”
May rekord si Claveras na 18-3-2 win-loss-draw na may 15 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Moloney na may perpektong 18 panalo, 15 sa pamamagitan ng knockouts.