Nina MINA NAVARRO at BEN R. ROSARIO
Ipinakita ng Kuwait na sinsero ito sa pagbibigay-hustisya sa pagkamatay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Joana Demafelis matapos hatulan ng kamatayan ang mga pangunahing suspek sa pagpatay sa Pinay, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
“Kinikilala namin ang hakbangin ng Kuwaiti government upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Joana Demafelis at ito ay malinaw na patunay ng kanilang sinseridad na sumusunod sila sa kondisyon na itinakda ng Pangulo,” ani Bello.
Hinatulan ng Kuwaiti court Lebanese na si Nader Essam Assaf at misis nitong Syrian na si Mouna Hassoun ng ’death by hanging’ dahil sa pagpatay kay Demafelis, na ang bangkay ay natagpuan sa loob ng freezer nitong Pebrero.
Gayunman, ayon kay Bello, hindi pa siya handa na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtanggal ng total deployment ban ng mga manggagawa sa Kuwait.
Kung sakali aniya, ay partial lifting lamang ang maaaring maikonsidera para sa skilled workers ngunit mangyayari lamang ito pagkatapos malagdaan ang kasunduan ng dalawang bansa para sa proteksyon ng mga OFWs.
“Nagkaroon na ng consensus, at mayroon na kaming final draft ng kasunduan. Ang Pangulo pa rin ang may huling desisyon para sa kasunduang ito,” ani Bello.
Ayon pa kay Bello, pending at ongoing pa rin ang bilateral agreements sa iba pang bansa mga sa Middle East, at kasalukuyan na rin itong nire-review.
Naniniwala naman ang isang mambabatas ng oposisyon na ibabasura ni Duterte ang partial lifting ng total ban sa deployment ng OFWs sa Kuwait, dahil hindi pa lubusang natatamo ang hustisya para kay Demafelis.
Sa press statement, sinabi ni Rep. Anicete “John” Bertiz Jr., kinatawan ng ACTS-OFW partylist, na sa kabila ng sentensiyang bitay na ipinataw ng Kuwait sa mag-asawang pumatay kay Demafelis, wala pang kasiguraduhan kung maipatutupad nga ito.
“Both Lebanon and Syria as separate states from Kuwait. No sovereign state will send its own citizen to another country just to be executed,” ani Bertiz, ipinunto na hindi pa sinasagot ng Syrian at Lebanese government ang mga apela para sa extradition ng mag-asawa.
Habang nilitis ng mga korte sa Kuwait, nanatili sa kustodiya ng gobyerno ng Lebanon si Assaf habang si Hassoun ay patuloy na pinaghahanap, at iniulat na nagtatago sa Syria.
“The Kuwaiti government does not have custody of the convicts, so they cannot carry out the penalty,” diin ni Bertiz