NAIKAMADA ni Filipino Fide Master Nelson Villanueva ang tagumpay sa Malaysia matapos tanghaling overall champion sa SMK Kota Marudu Chess Open International Rapid 2018 nitong Linggo sa Kota Marudo, Kota Kinabalu sa Malaysia.
Nakapagtala ang La Carlota City, Negros Occidental Villanueva ng eight points sa siyam na laro mula sa walong panalo at isang talo. Natangap niya ang RM (Malaysian Ringgit) 1,000 champions’ purse plus trophy.
“In behalf of NCFP and PECA we congratulate FM (Nelson) Villanueva for giving the Philippines another championships’ trophy in Malaysian chess circuit.” sabi ni Philippine Executive Chess Association (PECA) founding president Atty. Cliburn Anthony A. Orbe, Treasurer ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Nairehistro ng dating Rizal Technological University (RTU) Mandaluyong City standout ang importanteng panalo kontra kina Diris Mercy Lexy ng Malaysia sa first round, Abdul Rasad Mohammad Paijal ng Malaysia sa second round, Etong Abdullah ng Malaysia sa third round, Abu Bakar Abdul Wahab ng Malaysia sa fourth round, Goridau Guadis ng Malaysia sa fifth round, Hadani Abthar ng Malaysia sa sixth round, Wising Abdul Sahim ng Malaysia sa seventh round pero natalo kay Andin Faizal ng Malaysia sa eight round kasunod ng panalo kay Al Murishi Muhd Saifullah ng Malaysia sa ninth at final round.
“God is so gracious for the third time,” sabi ni Villanueva.
May apat na titulo na si Villanueva na napanalunan sa Malaysia mula Pebrero 24 hanggang Abril 1, 2018.
Nakuha ni Villanueva ang overall champion sa KLK Batu Gajah (Open) 2018 International Chess Championship nitong Marso 4, 2018 sa Batu Gajah, Perak, Malaysia. Naibulsa niya ang RM (Malaysian Ringgit) 500 champions’ purse plus trophy.
Kampeon din siya sa Sarawak State Legislative Assembly International Chess Competition 2018 sa Sarawak, Malaysia nitong Marso 3, 2018. Habang napagharian niya ang Mesamall Chinese New Year Open chess tournament nitong Pebrero 24 sa Nilai, Negeri Sembilan, Malaysia.