Ni Orly L. Barcala

Patay ang tatlo katao, kabilang ang isang doktor, habang apat ang sugatan nang banggain umano ng sinasabing lasing na Chinese ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima sa Valenzuela City, nitong Huwebes ng gabi.

Dead on the spot si Angelito San Felipe, 32, ng No. 50 Pienta 2, Camansi, Marilao, Bulacan, nang maputol at humiwalay sa katawan ang kanang paa nito habang binawian ng buhay sa Valenzuela City Medical Center sina Dr. Alexander Cadenas, 37, ng No. 673 National Road, Muntinlupa City, sanhi ng pagkabagok; at Malony Antonio, 32, ng No. 119 Dumalay Apartment, Malhacan, Meycauayan City, Bulacan, dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Sugatan naman sina James Edward, 25, ng No. 197, Pio Valenzuela Street, Barangay Marulas, Valenzuela City; Noel Pangandayon, 34, ng Macayo-Cayo, Bayambang Pangasinan; Jomarie Picar, 19; at Ruel Fernandez, 36, kapwa nakatira sa Potiocan, Magsique sa Pangasinan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad namang naaresto ang suspek na si Jiaqin Huwang, 30, ng No. 333 State Circle, Binondo, Maynila.

Base sa ulat, minamaneho ni Agapito ang motorsiklo (DC79-331) at angkas niya sina San Felipe at Antonio sa kahabaan ng McArthur Highway, dakong 11:50 ng gabi.

Pagsapit sa tapat ng NOVO Merchandize sa McArthur Highway, bigla umanong binangga ang kanilang motorsiklo ng isang Toyota Avansa (A4A-827), na unang nakitang matulin at pagewang-gewang patungong Monumento.

Sa lakas ng pagkakabangga, naputol ang kanang paa ni San Felipe at nabagok naman si Antonio.

Tumilapon mula sa motorsiklo si Agapito at minalas na nahagip ng motorsiklo ni Dr. Cadenas, dahilan upang sumemplang ito na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Tumama ang motorsiklo sa isa pang motorsiklo ( 8516-VL), na minamaneho ni Panganayon, at angkas nito si Picar, na kapwa nagtamo ng sugat.

Si Huwang ay nahaharap sa mga kasong reckless imprudence in resulting to multiple homicide and damage to property at paglabag sa Section 5, Art. 10586 (Driving under Influence of Liquor).