GAGASTOS ang Tacloban City ng P1.32 bilyon para sa pagpapaunlad sa pitong paliparan sa Eastern Visayas ngayong taon, kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Miyerkules.
Ayon kay CAAP Eastern Visayas Area Manager Danilo Abareta, pauunlarin nila ang mga paliparan upang masiguro ang kaligtasan at bilang pagtalima sa aviation standards.
“These projects are part of the long-term plan of the Department of Transportation (DOTr) to upgrade all airports by 2022. We are doing our best to make these airports operational even at night,” sabi ni Abareta sa Philippine News Agency (PNA).
Ang budget ngayong taon para sa airport development ay doble sa P684 milyon noong 2017, na inilaan lamang para sa apat na paliparan sa rehiyon.
Ang malaking bahagi ng pondo ngayong 2018 ay para sa site development at pagbuo ng bagong terminal building para sa Tacloban Airport na may alokasyon na P716.12 milyon.
Sa pagkakaroon ng 34 na inbound at outbound daily flights, pampito ang Tacloban airport sa pinakamataong paliparan na may 1.2 milyon pasaherp noong nakaraang taon.
Ang bagong pasilidad ay may lawak na 12,400 square meters o 12 beses na mas malaki kaysa kasalukuyang terminal.
Sa Samar, ang Calbayog Airport ay may budget na P245 milyon para sa runway strip at shoulder grade correction; drainage canal system; runway, apron, at taxiway markings; at provision ng runway end safety area at kapwa hangganan ng runway.
Ang Calbayog, isa sa pinakamalaking lungsod sa bansa pagdating sa lupain, ay may regular flights sa Clark sa pamamagitan ng Philippine Airlines at sa Cebu sa pamamagitan ng Cebu Pacific.
May pondong P128 milyon, ang 1,020-meter runway ng Ormoc City airport ay magkakaroon ng bagong asphalt overlay pavement at reflectorized markings.
Dalawang linggo na ang nakalilipas, inilunsad ng Air Juan ang Ormoc-Cebu flight, ilang buwan matapos ipatigil ng Cebu Pacific ang paglipad sa nasabing ruta.
Sa Southern Leyte, naglaan ang DOTr ng P122 milyon sa pagpapaayos ng runway ng Maasin Airport, pagpapatayo ng runway slope protection, palawakin ang runway sa 1,500 metro, at pagtatayo ng 60-metrong strip end ng runway.
Noong nakaraang taon, inilunsad ng Air Juan ang Cebu-Maasin-Tagbilaran-Cebu flight. Ang domestic airline ang unang gagamit ng ruta.
Ang P72.26 milyon para sa Borongan Airport sa Eastern Samar ang ilalaan sa pagpapalawak ng runway na mula sa 1,200 metro ay gagawing 1,350 metro. Nakalaan din ang budget sa pagpapatayo ng strips sa parehong hangganan ng runway. - PNA