Ni Mary Ann Santiago
Pinatunayan ng Manila Police District (MPD), na pinamumunuan ni Director Police chief Supt. Joel Napoleon Coronel, na seryoso ang kanilang distrito na malinis mula sa ilegal na droga at iba pang krimen ang kanilang nasasakupan, sa pagkakaaresto sa 22 drug suspects sa magkakahiwalay na operasyon ngayong Mahal na Araw.
Nagsasagawa ng anti-criminality campaign ang mga tauhan ng MPD-Station 7 nang maaktuhang nagpa-pot session sina Roberto Rivera, 47, tricycle driver; Robert Bautista, 49, jeepney driver; Aldrin Michael Agulpo, 47, tricycle driver; Daniel Cruz, 52; Gina Balosa, 46; Sherly Mae Domingo, 28, entertainer; Roberto de Vera, 56; at Stephen Bryan Maligaya, 36, sa Kalayaan kanto, ng Dagupan Street sa Gagalangin, Tondo, dakong 6:00 ng gabi ng Miyerkules Santo. Nakumpiska sa kanila ang dalawang pakete ng umano’y shabu at mga drug paraphernalia.
Ang suspek naman na si Marion Lloyd Montañez, 29, ng Sitio 6, Barangay Catmon, Malabon City, ay nadakip ng nagpapatrulyang mga tauhan ng MPD-Station 11 sa Claro M. Recto Avenue, kanto ng Asuncion St., sa Binondo, dakong 11:00 ng gabi. Nakumpiska sa kanya ang isang bote ng solvent at isang pakete ng umano’y shabu.
Inaresto naman sa anti-criminality campaign ng mga tauhan ng MPD-Station 10 sina Clarissa de Leon, 26, kabilang sa drug watch list ng pulisya; at Lizza Marie Francisco, 22, entertainer, sa Estero de Concordia, sa Pres. Quirino Avenue, dakong 11:50 ng gabi. Nagsusugal umano ang dalawa nang sitahin ng mga pulis at nang kapkapan ay nakumpiskahan ng dalawang pakete ng umano’y shabu.
Naglalaro naman ng cara y cruz ang mga suspek na sina Sammy Boy Gutierrez, 26, miyembro ng Commando Gang; Ram Joseph, 47, silkscreen artist; Enrique Confesor, 46, aircon cleaner; at Caroline Natividad, 49, nang sitahin ng mga tauhan ng MPD-Station 11 sa Estrada St., malapit sa corner Juan Luna Street sa Binondo, dakong 1:00 ng madaling araw kahapon. Nakuha sa mga suspek ang apat na pakete ng umano’y shabu.
Sa buy-bust operation naman nadakip ng mga tauhan ng MPD-Station 1 ang mga suspek na sina Jomar Magpayo, 30, miyembro ng Batang City Jail at kasama sa drug watchlist ng pulisya; Ferdinand Gatchalian, 40, driver, na kasama rin sa drug watchlist; Sherly Cuaresma, 39; Rhaffy Regencia, 29; Alhimuhudin Lataban, 28; Arapat Camilan, 23; at Malindong Kabagani, 46, dakong 1:10 ng madaling araw kahapon. Nakatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ni Magpayo at ikinasa ang operasyon sa Masinop St., malapit sa Moriones, sa Tondo. Nakuha sa kanila ang anim na pakete ng umano’y shabu, mga drug paraphernalia, at P200 buy-bust money.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.