Ni Mary Ann Santiago
Isasara ang ilang kalsada sa Maynila sa mga susunod na araw upang bigyang-daan ang mga prusisyon para sa Semana Santa.
Batay sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), ilang kalsada sa lungsod ang pansamantalang isasara bukas, Marso 29, Huwebes Santo; at sa Biyernes Santo, Marso 30.
Nabatid na simula 11:00 ng gabi ngayong Huwebes ay isasarado na ng MDTEU sa mga motorista ang southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo, mula sa A. Mendoza-Fugoso Streets hanggang sa Plaza Miranda at España-P.Campa-Lerma Streets para sa prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno, na sisimulan ng 12:00 ng hatinggabi ng Biyernes.
Pinapayuhan naman ng MDTEU ang lahat ng sasakyang dadaan sa Quezon Boulevard mula sa A. Mendoza, na kumanan sa Fugoso Street at kaliwa sa Rizal Avenue.
Ang lahat naman ng magmumula sa España patungong Quezon Boulevard ay dapat kumaliwa sa Nicanor Reyes Street, at kanan o kaliwa sa Claro M. Recto Avenue.
Pagsapit ng 4:00 ng hapon sa Biyernes ay isasarado rin ng MDTEU ang northbound lane ng Quezon Boulevard, mula Quezon Bridge hanggang G. Puyat Street, para sa prusisyon ng Santo Entiero at Matter Dolorosa.
Lahat ng sasakyang bibiyahe patungong norte ng P. Burgos Avenue at Taft Avenue na nais gumamit ng northbound lane ng Quezon Boulevard, ay maaaring dumiretso sa MacArthur Bridge at Jones Bridge.
Sinabi pa ng MDTEU na ipatutupad rin nito ang Stop and Go traffic scheme sa ilang kalsada habang lumalapit ang prusisyon sa mga intersection.
Samantala, sa Intramuros ay isasara ang kahabaan ng General Luna ngayong Huwebes at sa Biyernes, para sa inaasahang pagdagsa ng mga debotong bibisita sa mga kilala at makasaysayang simbahan sa lugar.
Hindi naman papayagan ng Intramuros Administration na makapuwesto sa lugar ang mga vendor, na maaaring lumipat sa Beaterio, Anda, Real, Santa Potenciana, Victoria, at San Jose Streets.
Inilaan naman sa parking ang 230 Cabildo, Fort Santiago, Postigo, Maestranza, at Barcelon, habang papayagan din ang street parking sa ilang bahagi ng Muralla, Santa Lucia, Bonifacio Drive, Burgos Drive, at Magallanes Drive.