Ni Dave M. Veridiano, E.E.
LUBHANG nakababahala ang pag-uugali ng karamihan sa mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA), na pinanggagalingan ng mga namumuno sa pambansang pulisya – pawang malalakas ang loob sa paggawa ng katarantaduhan at walang takot sa kahihinatnan nito.
Kung magpapatuloy kasi ang angkin nila ngayong karahasan, walang dudang dadalhin nila ito sa kani-kanilang presintong pamumunuan sa paglabas nila sa PNPA, kaya nakatatakot ang halimbawang makikita at siguradong susundin naman ng kanilang mga tauhan.
Ngayon pa lang, ‘di ko lubos maisip kung paano nila nagawang bugbugin, pahirapan at pagtulungan ang anim na “upper-class” members ng PNPA Maragtas Class of 2018. Ang naglalaro kasi sa aking isipan sa ngayon –anong klaseng pahirap ang magagawa nila sa suspek na babagsak sa kanilang mga kamay sakaling humawak na sila ng pamumunuang presinto?!
Kapwa nga nila kadete, “upper-class” pa man din, walang awang ginulpi at pinahirapan – eh, ‘di mas lalo na siguro kung hamak na sibilyan lamang ang babagsak sa kanilang mga kamay.
Kuwento ng anim na nabugbog, isang oras makaraan ang graduation sa PNPA noong nakaraang linggo – si Pangulong Rodrigo Duterte pa ang panauhing pandangal – hinarang at binugbog sila ng 41 “underclass” sa loob mismo ng Camp Castañeda sa Silang, Cavite.
Karamihan sa nambugbog ay may dalang pamalo at bato. Take note – may mga naka-bonnet pa!
‘Di ba ito ang paboritong suot ng mga “riding-in-tandem” na nagtumba sa libu-libong pinaghihinalaang adik at tulak ng droga sa buong bansa? May ilang nahuli sa akto at lumabas sa imbestigasyon na mga opisyal ng PNP ang mga ito at produkto ng PNPA!
Naisip ko tuloy, SOP kaya ito na itinuturo sa mga opisyal na nagtatapos sa PNPA kaya habang nag-aaral pa lang ay ganito na ang pagsasanay…Hindi naman siguro, dahil marami akong naging kaibigan at ginagalang na mga opisyal na produkto ng PNPA na sobrang GENTLEMAN hanggang sa magretiro sa serbisyo.
Paliwanag ng ilan sa kanila, tradisyon ito sa Philippine Military Academy (PMA) na ginaya sa PNPA. Ang tawag dito ay “traditional dunking” –inihahagis sa swimming pool ang mga bagong graduate, ngunit dahil walang swimming pool sa PNPA, ang “dunking” ay ginawa na lamang gulpihan!
May gumugulong nang imbestigasyon at lumalabas na naghari ang personal na galit kaya nagkaroon ng bugbugan. Ang sangkot na kadete ay mga third year sa PNPA, at magtatapos sa 2019. Ang 15 nakilalang kadete ay kinasuhan na ng akademiya, samantalang siyam na iba pa ay kakasuhan ng kriminal dahil dalawa sa mga nabugbog ang nagdemanda sa Silang Police Station.
Kinondena naman ni PNP Chief, DDG Ronald “Bato” dela Rosa ang pambubugbog. Sinabi niyang isang “on-and-off tradition” sa cadet core ang “dunking” ngunit hindi “sanctioned” ng PNPA.
Para sa akin, ‘di na dapat patagalin pa sa compound ng PNPA ang mga kadeteng tahasang nasangkot sa pambubugbog…Kinikilabutan ako sa magiging resulta para sa kabuuang imahe ng pulisya kapag ganitong uri ng mga kadete ang magtatapos sa natatanging akademiya ng PNP.
Bagsak na nga ang imahe ng PNP sa mga nagaganap na kapalpakan dito, eh papaano pa kung ganitong uri ng mga opisyal ang papasok at mamumuno sa organisasyon -- siguradong babagsak lalo ang imahe ng PNP. Hindi dapat hayaang manatili sa akademiya ang kadeteng may sungay!
Sumagi tuloy sa aking isipan itong madalas kong marinig sa matatanda kapag may pinagagalitang bata na matitigas ang ulo: “Habang maliit pa ay putulin agad ang sungay ng pastidyong kabataan upang ‘di makapanuwag!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]